Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

P79-M indemnification mula sa DA Calabarzon para sa mga naapektuhan ng ASF, ipinamahagi sa Batangas at Quezon

LUNGSOD NG CALAMBA (PIA) — Sinimulan nang ipamahagi ng Department of Agriculture (DA) Region 4-A ang tulong nito para sa mga hog raiser sa lalawigan ng Batangas at Quezon na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa African Swine Fever (ASF). 

Personal na nagtungo si DA 4-A Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan sa Batangas upang pangunahan ang pamamahagi ng indemnification o bayad pinsala na sinimulan noong ika-18 ng Nobyembre sa mga bayan ng Laurel at San Jose. 

“Bago matapos ang taon, ang mga magbababoy na nakipagtulungan at nagsakripisyo ng kanilang alaga sa DA 4-A kaugnay sa pagpigil sa pagkalat ng sakit na African Swine Fever (ASF) ay matatanggap na ang kanilang bayad-pinsala. Ito ay patunay na hindi sumisira sa pangako ang ating pamahalaan,” ani Director Dimaculangan. 

Ayon sa DA 4-A, agad nilang ipinamahagi ang tulong para sa mga apektadong hog raiser matapos ilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo upang mabayaran ang mga natitira pang hog raisers na isinakripisyo ang kanilang mga alaga sa panahong nag-depopulate ang kagawaran sa mga lugar na naapektuhan ng ASF. 

Unang namahagi ang pamahalaan ng P226,931,000 halaga ng indemnification para sa 6,871 hog raiser sa rehiyon noong 2019 hanggang 2020. 

Naipamahagi na rin ng pamahalaan ang P79,350,000 halaga ng bayad pinsala para sa 536 na magbababoy mula sa mga bayan ng Taal, Cuenca, Nasugbu, Laurel, San Jose, at San Juan sa lalawigan ng Batangas, at Lucena City sa lalawigan naman ng Quezon. 

Inaasahang matatapos ang pamamahagi ng bayad pinsala para sa nalalabing 1,417 hog raiser sa rehiyon ngayong taon. 

Bukod dito, magbibigay rin ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ng P10,000 para sa mga baboy na palakihin at P14,000 para sa inahin sakaling mamatay ang mga ito dahil sa ASF. (may ulat mula sa DA 4-A)

About the Author

Patricia Bermudez

Job Order

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch