Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Herd immunity, nais maabot ng Cuyapo bago matapos ang 2021

CUYAPO, Nueva Ecija (PIA) -- Hangad na maabot ng pamahalaang bayan ng Cuyapo sa Nueva Ecija ang herd immunity laban sa COVID-19 bago matapos ang 2021.
 
Sa panayam sa Network Briefing News, sinabi ni Mayor Florida Esteban na agresibo ang pagbabakuna upang maabot ang pagiging bakunado ng 70 porsyento ng target na populasyon o humigit kumulang 50,000 mamamayan.
 
Kanya ding sinabi na sa kasalukuyan ay nasa 46.17 porsyento pa lamang ang nababakunahan sa bayan o katumbas ng nasa 20,000 mamamayan.
 
Tiwala ang alkalde na madadagdagan ang bilang ng mga bakunado sa idaraos na National Vaccination Days mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
 
Ayon pa kay Esteban, target ng pamahalaang lokal na makapagbakuna ng nasa 12,000 mamamayan sa mga nabanggit na araw.
 
Kaugnay nito ay ibinalita naman ni Municipal Health Office head Dean Marquez na asahang magtutuloy-tuloy ang pagbabakuna sa bayan kahit matapos ang National Vaccination Days sa pamamagitan ng mga vaccination sites sa munisipyo at pagdaraos ng Mobile Vaccination sa mga barangay.
 
Kanyang hinihingi ang tulong ng mga punong barangay na hikayatin na ang lahat ng mga mamamayang hindi pa bakunado partikular ang mga nagtatrabaho na humaharap sa maraming tao, mga buntis, mga kabataang edad 12 hanggang 17 taong gulang at ang mga taong may sakit tulad ng hypertension at diabetes na kadalasang tumatangging magpabakuna. 
 
Sila aniya ang mga prayoridad na dapat mabakunahan upang magkaroon ng karagdagang proteksyon laban sa COVID-19. 
 
Kaniyang paalala sa lahat lalo sa mga pumapasyal sa mga sikat na destinasyon sa bayan ng Cuyapo ay manatiling maging maingat, panatilihin ang pagsunod sa social distancing at pagsusuot ng facemask kahit hindi na required ang pagsusuot ng face shield sa mga level 2 na lugar gaya sa munisipyo. (CLJD/CCN-PIA 3)

Panayam kay Cuyapo Mayor Florida Esteban sa programang Network Briefing News. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

About the Author

Camille Nagano

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch