Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

27K katao target mabakunahan ng MHO San Jose sa Nat’l Vaccination Days

27K katao target mabakunahan ng MHO San Jose sa Nat’l Vaccination Days

Kabilang ang McDonald's, na matatagpuan sa Rizal St. San Jose, sa pagdarausan ng National Vaccination Days. Gaganapin ito sa ikalawang palapag ng nasabing fast food restaurant. (PIA Occ Mdo)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Target ng Municipal Health Office ng San Jose na bakunahan ang 27,000 katao simula bukas, Noyembre 29 hanggang Disyembre 1 na tinatawag  bilang National Vaccination Days (NVD).

Ang NVD ay naglalayong higit pang mapataas ang bilang ng mga nabakunahan laban sa COVID-19 sa bansa. Siyam na milyong bakuna ang libreng ibibigay ng pamahalaan sa programang ito na tinagurian ding “Bayanihan, Bakunahan, Ligtas Lakas Buong Pinas”.

Sa panayam ni Mariboy Ysibido sa programang 'Pag-usapan Natin sa Radyo Natin', inisa-isa ni Dr. Enid Asuncion, Municipal Health Officer at Commander ng Incident Command System for COVID-19, ang iba’t ibang lugar sa bayang ito na pagdarausan ng bakunahan. Aniya, sa tatlong araw ng NVD, maaring magtungo ang publiko sa San Jose Municipal Gymnasium, Occidental Mindoro State College - San Jose at Labangan Campus, Jollibee at McDonalds.

Ipagagamit ng Jollibee San Jose ang kanilang function room para sa gaganaping National Vaccination Days. (PIA Occ Mdo)

Maliban sa mga nabanggit, naitalaga din bilang vaccination sites sa ika-29 ng Nobyembre ang Barangay (Brgy) San Agustin at St. Joseph Cathedral; sa ika-30 ng Nobyembre ay madadagdag ang Brgy. Caminawit at Divine Word College (DWC); at, sa Disyembre 1 ay Brgy. San Roque at DWC.

Maaaring magpabakuna ang mga 12–17 taong gulang, at mga edad 18 anyos pataas. Kung edad 12-17, kailangang magdala ng birth certificate at vaccination card at ID ang kasamang magulang. Ayon kay Dr. Assuncion, sakaling hindi masasamahan ng magulang, maari namang humalili ang isang kaanak ngunit kailangan itong kumuha ng Certificate of Kinship sa kanilang brgy.

Ang mga magpapaturok naman na 18 taong gulang pataas ay dapat magdala ng ID. Bilin din ng MHO sa lahat ng magpapabakuna na magbitbit ng kani-kanilang ballpen, pamaypay, tubig at pagkain.

Hinihikayat ni Dr. Asuncion ang publiko na samantalahin ang NVD. Aniya, sa kasalukuyan ay 32,000 katao pa lamang ang fully-vaccinated sa San Jose at at marami pa ang kailangang bakunahan bago makamit ang herd immunity.  Batay sa 2020 Census, ang San Jose ay may 153,267 na populasyon.

Ikinatutuwa naman ng opisyal ang higit na pagnanais ngayon ng mga residente na mabakunahan, dahil laging mabilis na nauubos ang mga dumarating na COVID-19 vaccines. Muli nitong paalala na bakuna ang daan upang makarating sa new normal, at bakuna rin ang kailangan upang hindi mauwi sa malubhang kondisyon at pagkaka-ospital ang sinumang tatamaan ng COVID-19. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch