Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

54,000 indibidwal, target mabakunahan ng OccMdo sa Nat’l Vaccination Days

54,000 indibidwal, target mabakunahan ng OccMdo sa Nat’l Vaccination Days

Target ng lalawigan na mabakunahan ang 54,000 katao sa isinasagawa ngayong Bayanihan Bakunahan National Vaccination Days (NVD) , Nobyembre 29 --Disyembre 1. (PIA Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Target ng lalawigan na mabakunahan ang 54,000 katao sa isinasagawang Bayanihan Bakunahan National Vaccination Days (NVD), Nobyembre 29-Disyembre 1.

Ayon sa Provincial Health Office (PHO), nangangahulugan ito na 18,000 indibidwal na 12 anyos pataas ang kailangang maturukan ng bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa lalawigan.

Sinabi ni Dr. Corazon Tamayo, PHO Focal Person COVID-19 Vaccination Program, na hindi malayong maabot o kaya ay malampasan pa ang target na bilang ng babakunahan. Ginawang batayan ni Dr. Tamayo ang resulta ng unang araw ng NVD, kung saan nakapagturok ang lalawigan ng 20,835 katao o 115.75%.

Ipinaliwanag pa ng Tagapagsalita ng Vaccination Program na sa 11 bayan ng probinsya, dalawang munisipalidad ang bahagyang kinapos sa kanilang daily target subalit siyam na bayan naman ang nahigitan ang bilang ng takdang bakunahan.

Sa datos na ipinalabas ng PHO para sa unang araw ng NVD, ang Abra de Ilog na may daily target na 1,025 ay nakapag bakuna ng 1,203 (117.37%). May 975 daily target naman ang Calintaan at nakapagturok ng 1,672 (171.49%), habang tig- 500 katao ang daily target ng Lubang at Looc, at nakapagbakuna ng 749 ang Lubang (149.80%) at 444 ang  Looc (88.80%).


Datos ng unang araw ng Bayanihan Bakunahan National Vaccination Days sa Occidental Mindoro. (Gov. E. Gadiano)

Ang daily target ng Magsaysay ay 1,180 subalit humigit pa dito ang nabakunahan na 1,234 katao (104.58%); 1,405 ang sa Mamburao kung saan umabot sa 1909 ang nabakunahan (135.87%); may 525 daily target ang Paluan at 915 ang naturukan ( 174.29%). Abot naman sa 1,250 ang daily target ng Rizal at 1,542 ang nabakunahan (123.36%) habang ang Sta Cruz ay 1,728 na daily target at nakapagbakuna sa 2,466 katao (142.71%).

Pinakamalaking bilang ng takdang babakunahan ang San Jose na may daily target na 5,692 at nakapagbakuna sa unang araw ng 4,960 indibidwal (87.14%).  Kasunod ang Sablayan na may daily target na 3,220 at nakapagbakuna sa unang araw ng 3741 (116.18%).

Sa isang panayam kay Dr. Tamayo ay binigyang-diin nito ang naranasan na totoong Bayanihan sa buong lalawigan, gayundin ang kasipagan ng mga vaccination team ng 11 munisipyo, kasama ang mga nag-volunteer. Nakita aniya sa sama-samang pagkilos ng lahat ang iisang hangarin – madagdagan pa ang mga mamamayan ng Occidental Mindoro na nabakunahan hanggang maabot ang herd immunity ng probinsya.

Naniniwala at umaasa si Dr. Tamayo na malalampasan ng lalawigan ang kabuuang bilang ng mga taong nais nitong bakunahan sa pagtatapos ng unang serye ng NVD sa huling araw nito sa Disyembre 1. (VND/PIA Mimaropa)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch