Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Unang araw ng National Vaccination Days, dinagsa sa Lungsod ng Batangas

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)-- Dinagsa ang unang araw ng Bayanihan Bakunahan  sa mga itinalagang vaccination sites ng pamahalaang lungsod noong ika-29 ng Nobyembre.


Ang naturang programa ay  bilang pagtalima sa Executive Order ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagdedeklara sa Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1 bilang National COVID-19 Vaccination Days na naglalayong makapagbakuna ng 70% ng kabuoang populasyon upang makamit ang herd immunity ng bansa.


Nagtalaga ang pamahalaang lungsod ng pitong vaccination sites kabilang ang  Batangas City Convention Center, Alangilan Covered Court,  San Isidro Covered Court, Ilijan Covered Court, Bolbok Covered Court, SM City Batangas at Xentro Mall.


Ayon sa City Health Office (CHO), humigit kumulang sa 15,000 katao ang target na mabakunahan bawat araw.


Kaugnay nito, may mga bangkang nakatalaga para sa libreng sakay ng mga taga-island barangays ng lungsod na nagnanais magpabakuna.


Ayon kay Vanessa Valenzuela, 14 na taong gulang na mag-aaral mula sa Barangay Banaba South, matagal na niyang gustong magpabakuna dahil alam niya ang kahalagahan ng pagiging bakunado.


 “Niyaya ko agad ang aking ina para samahan ako na magpalista sa barangay at hindi ako nakaramdam ng takot magpabakuna dahil mas takot ako na mahawaan ng virus,” sabi ni Valenzuela.


 Aniya pa, naniniwala siya na maaaring bumalik sa normal ang lahat kung ang mga tao ay magpapabakuna dahil ito lamang ang proteksyon na maaaring ibigay kontra COVID-19.


Samantala, naghanda naman ang pamahalaang lungsod ng raffle promo sa loob ng tatlong araw na bakunahan kung saan maaaring manalo  ng Noche Buena package ang mga nagpabakuna (MDC/PIA-Batangas/PIO Batangas City)

About the Author

Kier Gideon Paolo Gapayao

Regional Editor

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch