Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Unang biyahe ng NSCR sa Balagtas-Bocaue, target sa Oktubre 2022

BALAGTAS, Bulacan (PIA) -- Target ng Department of Transportation o DOTr ang partial operation mula Balagtas hanggang Bocaue ng North-South Commuter Railway o NSCR Project Phase 1 sa Oktubre 2022.
 
Ipinaliwanag ni DOTr Secretary Arthur Tugade na sa bahaging ito ng 38-kilometrong ruta ng NSCR ang may pinakamarami na ang nagagawa kaya’t dito piniling magsimula ang pagbubukas.
 
Nasa 54 porsyento na ang overall completion ng NSCR Phase 1 o ang pangkalahatang nagagawa sa kabuuang ruta nito mula Malolos hanggang Tutuban.
 
Partikular rito, naitayo na ang dalawang palapag ng magiging Balagtas station ng NSCR kung saan mayroon na itong bubungan.
 
May habang 190 metro ang gusali ng istasyon na idinisenyo upang malulan ang isang train set na may walo hanggang sampung bagon.
 
Matatagpuan sa unang palapag ang commercial spaces na pauupahan ng Philippine National Railways, ticketing facilities at iba pang pangunahing pasilidad para sa mga pasahero gaya ng palikuran.
 
Samantala, sa ikalawang palapag matatagpuan ang platform na magiging hintayan ng mga pasaherong sasakay sa tren. Nasa pagitan naman ng mga platforms ang lalatagan ng mga riles.
 
Ang magiging Bocaue station ay nasa kasagsagan ng pagkakabit ng fabricated concrete girders at nagsimula nang maitayo ang mismong gusali ng dalawang palapag na istasyon.
 
Itinatayo ito sa pagitan ng Governor Fortunato Halili Avenue o ang Bocaue-Santa Maria Road at ang bagong bukas na Ciudad de Victoria Bypass Road na nag-uugnay sa Mac Arthur Highway at North Luzon Expressway.
 
Ipinag-utos ni Tugade na tapusin ang pagtatayo ng nasabing istasyon sa Pebrero 2022 upang maihanda sa partial operation sa Oktubre 2022.
 
Nasa 150 bilyong piso na ang nagugugol sa proyekto kung saan 93 bilyong piso ang mula sa Official Development Assistance ng Japan International Cooperation Agency habang ang nalalabing 57 bilyong piso ay mula sa mga pambansang badyet. (CLJD/SFV-PIA 3)

Binisita ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang konstruksyon ng North-South Commuter Railway Project Phase 1 sa Bulacan. (DOTr)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch