Mahigit 20K indibidwal sa Puerto Princesa, nabakunahan sa Bayanihan, Bakunahan

PUERTO PRINCESA, PALAWAN, (PIA) -- Umabot sa 22,485 indibidwal sa Puerto Princesa City ang nabakunahan sa tatlong araw na National Vaccination Days o Bayanihan, Bakunahan noong Nobyembre 29-Disyembre 1, 2021.
Sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA)-Palawan, sinabi ni City Health Officer at Puerto Princesa City Covid-19 Vaccination Team Head Dr. Ricardo Panganiban na sa unang araw ay nakapagbakuna sila ng 9,112 indibidwal habang sa ikalawa at pangatlo ay nakapagbakuna sila ng 6,793 at 6,580 katao.
Dahil dito ay nalagpasan aniya nila ang kanilang ipinangako sa Department of Health (DOH) na 5,000 indibidwal kada araw.
“Ang commitment natin ay 15,000 [katao] sa loob ng tatlong araw na yun, lumagpas tayo,” saad pa ni Dr. Panganiban
Aniya, noong una ay inakala nilang mahihirapan silang maaabot ang ipinangakong bilang ngunit nahigitan pa nito ang inaasahan nilang bilang ng mga magpapabakuna.
Ilan aniya sa mga posibleng dahilan ng pagdagsa ng mga tao ay maaring nakita na nila ang kahalagahan ng Covid-19 vaccine sa kanilang kalusugan at ang inilabas na resolsuyon ng National Inter-Agency Task Force for Covid-19 na mandatory sa mga nagtatrabaho ang magpabakuna o ang pagpapasailalim sa RT-PCR Test kada dalawang linggo kung hindi magpapabakuna dahil napakagastos nito.
Nasa 14 na vaccination sites ang binuksan sa siyudad para sa aktibidad na may layuning mapataas ang bilang ng mga magpabakuna sa bansa para malabanan at magkaroon ng proteksyon laban sa Covid-19. (MCE/PIA-MIMAROPA,PALAWAN)