Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

‘Bayanihan, Bakunahan’ sa Santa Rosa City pinalawig

SANTA ROSA CITY, Laguna (PIA) — Bagama’t nalagpasan ang itinakdang vaccination target para sa tatlong araw na malawakang pagbabakuna, ay pinalawig pa ng pamahalaang lungsod ng Santa Rosa ang ‘Bayanihan, Bakunahan’ hanggang ngayong araw, Disyembre 3.

Layon ng pinalawig na vaccination drive na mabakunahan ang mas marami pang residente sa lungsod na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakatanggap ng kahit isang dose ng bakuna laban sa nakahahawang sakit na Covid-19.

Ayon sa pamahalaang lungsod, tuloy-tuloy ang pagbabakuna sa dalawang vaccination sites nito sa Santa Rosa City Complex gayundin sa Events Tent ng Enchanted Kingdom.

3-day vaccination drive, matagumpay
Batay sa datos ng Department of Health Region 4A, aabot sa 38,771 ang kabuuang bilang ng mga nabakunahan nito sa 17 vaccination sites at dalawang mobile vaccination hubs sa lungsod mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Ito ay higit ng 115% porsiyento mula sa vaccination target na 38,771 na itinakda ng DOH 4-A.

Prayoridad ng pamahalaang lungsod na mabakunahan ang mga hindi pa nakakatanggap ng kahit isang dose ng bakuna kaya naman, aabot sa 35,029 ang nabigyan ng paunang dose sa tatlong araw na Bayanihan, Bakunahan.

Nasa 3,685 indibidwal naman ang tumanggap ng ikalawang dose ng bakuna habang 57 naman ang nabakunahan ng booster shot o karagdagang dose.

Batay pa sa datos ng DOH 4-A, pangalawa ang Santa Rosa sa may pinakamaraming bilang ng nabakunahan kasunod ng lungsod ng Calamba na may kabuuang 45,402 Covid-19 jabs.

Para kay Mayor Arlene Arcillas, ang pagtaas sa bilang ng mga nagpapabakuna ay patunay ng pagtaas ng tiwala ng publiko sa bakuna gayundin sa hangarin na maprotektahan ang sarili at ang mga kapamilya laban sa Covid-19.

“Ang dami ng tao na nagpabakuna ay tinitingnan natin na pagnanais ng ating mamamayan na maprotektahan ang kanilang sarili at kanilang mahal sa buhay.”

Dahil sa tagumpay na nakamit ng lungsod sa tatlong araw na pagbabakuna ay nagpaabot ng pasasalamat si Arcillas sa pambansang pamahalaan gayundin sa pakikiisa ng publiko, mga barangay, mga ahensiya ng gobyerno, at pribadong sektor.

Pinapurihan din ng alkalde ang lahat ng mga health workers, frontliners, at volunteers para sa kanilang dedikasyon na mapataas ang bilang ng mga nababakunahan laban sa Covid-19.

“Ang buong lungsod ng Santa Rosa ay nagpapasalamat sa DOH, DILG, NTF, at sa lahat ng private hospitals, organizations na tumutulong sa atin, higit sa lahat sa ating mga health workers at frontliners gayundin sa mga mamamayan ng Santa Rosa,” ani Arcillas.

Sa ngayon, aabot na sa 167,877 indibidwal o 60.56% ng target na populasyon sa lungsod ang nakatanggap na ng kumpletong dose ng bakuna.

Sa kabuuan, aabot na sa 409,268 doses ng bakuna ang naiturok ng pamahalaang lungsod sa mga residente nito kung saan 241,391 sa mga ito ay ginamit para sa paunang dose.

Nitong Huwebes ay bumisita ang mga opisyal ng National Task Force Against Covid-19 sa lungsod kabilang sina Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., Health Secretary Francisco Duque III, at Secretary Vivencio Dizon, sa vaccination site sa Santa Rosa City Sports Complex upang personal na alamin ang sitwasyon ng isinasagawang pagbabakuna sa lungsod.

Pinapurihan din ng mga opisyal ng NTF ang pamahalaang lungsod ng Santa Rosa gayundin ang buong Calabarzon sa mahusay na implementasyon ng national vaccination days, kung saan nanguna ang buong rehiyon sa may pinakamaraming nabakunahan mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Kabilang din sa mga bumisita sa lungsod sina Laguna Governor Ramil Hernandez; Laguna First District Representative Danilo Ramon Fernandez; Regional Director Ariel Iglesia ng Department of the Interior and Local Government Region IV-A; Regional Director Ariel Valencia ng DOH 4-A; Regional Director Ma. Cristina Arzadon ng Philippine Information Agency Calabarzon; at, Director Florinda Princess Duque ng Presidential Communications Operations Office. — FC, PIA Laguna

About the Author

Fredmoore Cavan

Information Officer II

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch