Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pintahan sa Pandurucan Art Exhibit 2021 sa San Jose, bukas na

Pintahan sa Pandurucan Art Exhibit 2021 sa San Jose, bukas na

Isa sa mga obra sa art exhibit ng Gintong Tamaraw Artists Association na ayon kay Flor Princess Arriola, Pangulo ng nabanggit na samahan, ay maaring bilhin ng publiko. (PIA Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Binuksan na kamakailan sa publiko ang Pintahan sa Pandurucan Art Exhibit, tampok ang mga obra ng Gintong Tamaraw Artists Association, sa San Jose Covered Court.

Ayon kay Flor Princess Arriola, pangulo ng samahan na ang mga kasapi ay pawang residente ng bayang ito, malaki ang pasasalamat nila sa San Jose Tourism Office at Pamahalaang Lokal sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataon na ibahaging muli ang kanilang mga likhang-sining. Natigil aniya ang pagdaraos nila ng mga exhibit dahil sa pandemya.

Sinabi ni Arriola na bukod sa maipamamalas muli ng mga lokal na mangguguhit ang kanilang talento, magkakaroon din ng sila ng dagdag na kita.

“Karamihan sa aming art display ay maaaring bilhin ng publiko, na malaking tulong sa aming samahan at mga miyembro na ang kabuhayan ay naapektuhan din ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19),” ani Arriola.

Umaasa din ang Gintong Tamaraw na ngayong patuloy ang pagdami ng mga nababakunahan laban sa COVID-19, dahan-dahan na ring magbubukas muli at babalik ang sigla ng ekonomiya sa probinsiya, lalo na sa bayan ng San Jose. Dagdag pa ni Arriola, nais na rin nilang ipagpatuloy ang pagtuturo ng pagguhit sa mga street children at paghasa sa kakayahan ng kanilang mga junior members upang lalong humusay sa pagpipinta.

Bukod sa paanyaya sa lahat na bisitahin at tangkilikin ang kanilang art exhibit, nananawagan din ang Pangulo ng Gintong Tamaraw sa mga interesadong maging kasapi ng kanilang grupo na magtungo sa kanilang art exhibit at personal na makipag-ugnayan sa kanya.

Ang Pintahan sa Pandurucan Art Exhibit ay bukas hanggang ika-6 ng Enero 2022. (VND/PIA MIMAROPA)


About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch