Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga bagong sea ambulance ng probinsya, inihatid na sa kanilang service area

Mga bagong sea ambulance ng probinsya, inihatid na sa kanilang service area

Inihatid na sa kani-kanilang service area ang apat na sea ambulance na binili kamakailan ng Pamahalaang Panlalawigan. (Gov. Ed Gadiano)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Inihatid na sa kani-kanilang service area ang apat na sea ambulance na binili kamakailan ng Pamahalaang Panlalawigan.

Ang tatlo ay dinala sa mga bayan ng San Jose, Looc, at Lubang habang ang isang bangka naman ay magseserbisyo sa malalayong komunidad sa baybayin ng Paluan at Abra de Ilog. Kumpleto ang sea ambulance ng mga kagamitang makikita sa isang regular na van ambulance.

Sinabi ni Mario Mulingbayan, opisyal ng tanggapan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management (PDRRM), na nabuo ang ideya ng pagbili ng sea ambulance sa mga ginawang pagbisita ni Governor Ed Gadiano sa island at coastal barangays ng probinsya. Aniya, nang iminungkahi ito ng Gobernador sa PDRRM Council ay agad sumangayon ang mga miyembro ng lupon, dahil malaki ang maitutulong ng mga ambulansyang bangka sa mga pamayanan na tawid-dagat.

“May mga pagkakataong hindi nadadala ang pasyente sa ospital sanhi ng malaking gastos sa pag-arkila ng bangka,” ani Mulingbayan. Ngayong may sea ambulance na ang probinsya, libre na aniyang maseserbisyuhan ang mga pasyente na kailangang ilikas ng Poblacion upang maihatid sa pagamutan.

Paliwanag pa ng opisyal, maaari ring gamitin ang sea ambulance sa pagtugon sa mga sakuna sa karagatan. “Halimbawa’y may nagkabanggaan o tumaob ang isang bangka, maaari ring tumugon ang sea ambulance para magbigay ng tulong,” saad pa ni Mulingbayan.

Payo ng opisyal sa mga nais makagamit ng sea ambulance, na makipag-ugnayan sa Disaster Risk Reduction Management Council (DRRMC) ng Barangay o sa Municipal DRRMC. Nilinaw ni Mulingbayan na patuloy na pinalalakas ang ugnayan sa pagitan ng mga nabanggit na tanggapan, upang mahusay at mabilis na makatugon sa pangangailangan ng publiko. (VND/ PIA MIMAROPA)


About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch