PCA-Palawan, ipinamamahagi na ang mga abono para sa mga magsasaka ng niyog

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Ipinamamahagi na ng Philippine Coconut Authority (PCA)-Palawan ang nasa 4,320 bags ng Agricultural Grade Salt Fertilizers para sa mga magniniyog o magsasaka ng niyog sa Palawan.
Ayon kay PCA-Palawan Acting Division Chief Engr. Arlo G. Solano, nagsimula silang mamahagi ng nasabing abono nito lamang Disyembre 1 sa mga naitalagang drop off point nito sa mga munisipyong may magsasakang benepisyaryo.
Ani Engr. Solano, ang mga abono ay mula sa Coconut Fertilization Project sa ilalim ng National Coconut Productivity Program ng PCA. 2019 pa aniya ito, ngunit ngayon lamang naipatupad.
Layon ng proyektong ito na mapataas ang produksiyon o maparami ang bunga ng niyog ng mga coconut farmers hindi lamang sa Palawan kundi maging sa buong rehiyon ng Mimaropa kung saan pawang mga magsasaka ng niyog na nakarehistro sa National Coconut Farmers Registry System ang kuwalipikadong mabebenipisyuhan ng proyekto.
Walongdaan at siyamnapung magniniyog naman sa Palawan mula sa mga bayan ng Aborlan, Narra, El Nido, Taytay, Araceli, Dumaran, Roxas, Sofronio Espaňola, Brooke’s Point, Bataraza, Rizal, Quezon at Lungsod ng Puerto Princesa ang mababahaginan nito. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)