Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

2022 budget na 1.28B, pinakamalaki sa kasaysayan ng Calapan

2022 budget na 1.28B, pinakamalaki sa kasaysayan ng Calapan

Kapwa nilagdaan nina City Mayor Arnan C Panaligan (kaliwa) at Vice Mayor Gil Ramirez ang 2022 General Fund Annual Budget na isinagawa ng session hall ng Sangguniang Panlungsod kamakailan. (larawan kuha ng Calapan LGU)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Ang nilagdaan kamakailan ni Mayor Arnan Panaligan na P1.28 bilyon annual budget para sa 2022 ang pinakamalaking naitala sa kasaysayan ng lungsod.

Ito ang ipinahayag ni Vice Mayor Gil Ramirez sa ipinatawag nitong press conference na dinaluhan ng mga lokal na mamamahayag kamakailan sa kanyang tanggapan.

“Umasa ang lahat ng sektor sa lungsod na mabibigyan namin sila ng karampatang pondo dahil sa P1.28 bilyon ang inilaan sa ‘Appropriation Ordinance Enacting the 2022 General Fund Annual Budget, na inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod (SP)," ayon kay Ramirez.

Ang kabuuang halaga ng pondo na P1,283,841,698.00 ay inilaan para sa seguridad ng taongbayan, edukasyon, pangangalaga ng kalusugan, pabahay, agrikultura, inprastraktura, proteksiyon sa kalikasan, kabuhayan at trabaho, pangangasiwa ng pagbabawas ng panganib kapag may kalamidad at iba pa.

Ayon pa kay Ramirez, ang pagtaas ng budget ay tanda ng pag-unlad ng lungsod na kahit na may pandemya ay lumago pa ng kaunti ang ekonomiya na siyang makakatulong sa ipatupad na bagong batas, ang Mandanas Ruling sa susunod na taon.

“Sa huling anim na buwan ng panunungkulan ni Mayor Arnan, ang kalahati ng budget ay nakatakdang ilaan sa mga pangunahing proyekto at programa ng pamahalaang lungsod tulad ng inprastraktura, pangangalaga ng kalusugan at iba pa, upang mapabilis ang pag-ahon ng mga Calapeňo lalo’t-higit sa kasalukuyang panahon ng pandemya,” pagtatapos na mensahe ni Ramirez.

Samanatala, nakiisa para sa mabilis na pag pasa ng naturang taunang pondo ang mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod kasama ang City Finance Committee na pinamumunuan ni City Administrator Adel Abas, Acting City Planning and Development Coordinator – Amormio Carmelo Joselito S, Benter, City Treasurer Manuel Ilagan, Jr., City Budget Officer – Lorieta Galicia at City Accountant – Edgardo Basilan. (DN/PIA-OrMin/Calapan LGU)

Ipinapakita ni Mayor Panaligan, kasama ang mga konsehal ng Sangguniang Panlungsod at Department Heads na nagapruba ng P1.28B Annual Budget ng lungsod para sa susunod na taon.

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency (PIA) - Oriental Mindoro

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch