Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Balidasyon ng BDP Projects sa OccMdo ngayong 2022, sinimulan na

Balidasyon ng BDP Projects sa OccMdo ngayong 2022, sinimulan na

Ugnayan sa pagitan ng PTF ELCAC at kinatawan ng Sitio Atipan, Brgy. Poblacion, Abra de Ilog, hinggil sa proyektong planong isumite sa BDP 2022. (PTF-ELCAC)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Nagsimula na ang Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) ng ocular inspection at validation sa mga proyektong isusumite sa Barangay Development Program (BDP) ng pamahalaan para sa taong 2022.

Sa ilalim ng BDP, bibigyan ng P20 milyon pondo ang bawat benepisyaryong barangay na gagamitin sa pagtatayo ng mga proyekto para sa pag-aangat ng kanilang kabuhayan. Ang mga kabilang sa nabanggit na programa (BDP) ay mga barangay na tinukoy ng Philippine Army bilang mga lugar na naapektuhan ng insurhensiya.

Sinabi ni Voltaire Valdez, PTF Focal Person, kailangan ang bayanihan ng mga tanggapan upang agad makumpleto ang mga kailangang dokumento ng proyekto, gaya ng Program of Works at Detailed Engineering Design. “Ang mga dokumentong ito ng iba’t ibang proyekto sa buong probinya ay kailangang maibigay ngayong Enero, batay sa atas ng Department of the Interior and Local Government (DILG),” ani Valdez. Ayon pa dito, ang mga napiling BDP project ay dadalhin sa Regional Task Force- ELCAC, na siya namang magsusumite sa National Task Force ELCAC para sa kaukulang pag-apruba.  

Sa kasalukuyan kasama sa mga barangay na target isumite ng PTF ELCAC upang maging benepisyaryo ng BDP ang Brgy Paclolo at Gapasan ng bayan ng Magsaysay, Naibuan at Monteclaro ng San Jose, Manoot at Limlim ng Rizal, Brgy. Tanyag ng Calintaan, mga Brgy ng Batong-buhay, San Agustin at Pagasa sa Sablayan gayundin ang Brgy. Sta Maria at Poblacion sa Abra de ilog.

“Sa Sitio Atipan ng Brgy Poblacion (Abra de Ilog), nais ng komunidad ng solar street lights, hanging bridge, at farm-to-market road (FMR),” ayon kay Valdez. Subalit batay aniya sa pagtaya ng Municipal Engineering Office ng Abra de Ilog, malaki ang kakailanganing pondo sa pagtatayo ng hanging bridge. Sa P20 milyong pondo na laan ng BDP sa bawat benepisyaryong barangay, maaring FMR at hanging bridge lamang muna ang maitayo sa nabanggit na barangay.

Nilinaw din ni Valdez na may proseso sa pagtukoy ng mga kapaki-pakinabang na proyekto sa pamayanan. Aniya dapat ay natalakay sa Ugnayan sa Pamayanan at dumaan sa Barangay Development Council ang mga ito. Sa ganitong paraan, maagang napag-uusapan ang anumang posibleng problema sa napiling proyekto at agad itong nareresolba.

Panawagan pa ng PTF-ELCAC Focal Person sa mga benepisyaryong barangay na aktibong makipag-ugnayan sa kanilang grupo upang mabilis na maisaayos ang mga detalye ng napili nilang proyekto. (VND/PIA MIMAROPA)


About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch