Puerto Princesa, may 4 bagong ref para sa mga COVID-19 vaccines
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- May karagdagang apat na bagong refrigerator ang Lungsod ng Puerto Princesa para paglagakan ng mga bakuna kontra COVID-19.
Ayon sa impormasyon ng City Information Department ng lungsod, dumating kahapon ang nasabing mga refrigerator na binili ng pamahalaang panglungsod at agad na inilagay ito sa Mega Vaccination Site na nasa City Coliseum.
Dalawa dito ay may +2 hanggang +8 degree Celsius na temperatura ay paglalagakan ng mga bakuna na Sinovac, Astra Zeneca at Jansenn.
Ang refrigerator naman na may -10 hanggang -25 degree Celsius na temperatura ay paglalagakan ng bakuna na Moderna at Gamaleya Sputnik.
Sa pagtatapos naman ng taong 2021, nakapagtala ang Puerto Princesa City Covac ng 111,949 fully vaccinated na mga residente.
Katumbas ito ng 48% na residente ng lungsod na target na mabakunahan, kasama na dito ang nasa 12-17 taong gulang.
Mayroon namang 40,015 ang nabakunahan na ng kanilang 1st dose at naghihintay na lamang ng schedule ng kanilang 2nd dose.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang pagbabakuna ng Puerto Princesa City COVAC Team sa iba’t-ibang vaccination site sa lungsod maging sa mga barangay. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan).