Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Marinduque MSME's kumita ng kalahating milyon sa Panagbenga Festival

BOAC, Marinduque (PIA) -- Kumita ng humigit kalahating milyong piso ang mga micro small medium enterprises (MSME) ng Marinduque na nakiisa sa 2022 Panagbenga Festival na idinaos sa Session Road, Baguio City kamakailan.

Ayon kay Roniel Macatol, provincial director ng Department of Trade and Industry (DTI)-Marinduque, umabot sa kabuuang P580,000 ang kinita ng 21 MSME's na lumahok sa isang linggong Bloom Trade Fair.

Kabilang sa micro small medium enterprises na nakibahagi sa naturang trade fair ay ang Three Sisters Homemade Banana Chips, Rejano's Bakery, Bahi Agricultural Fisheries Association, Ibato Olresaykel, Monte de Ramos Handicraft, Sheena's Handicraft, Marinduqueland Corp., SP3 Association, Moriones Bakers' Shoppe, Rey's Bakeshop, Island's Deli, Marbello Enterprise, Lea's Uraro Cookies, Buenavista Bagoong MPC, DCM Bagoong, SAGANA Marinduque Agriculture Cooperative, SNAP Agriculture Cooperative, Baliis Farmers Community Association, Devilla CARP Beneficiaries at KKK Marketing Cooperative.

Bitbit ng mga dumayong MSME sa Baguio City ang mga tampok na produktong ipinagmamalaki at gawang Marinduque. (Larawan mula sa DTI-Marinduque)

Bitbit ng mga dumayong MSME ang mga tampok na produktong ipinagmamalaki at gawang Marinduque kagaya ng dried fish at iba pang processed marine products, bagoong, patis, banana chips, homemade cookies, liniments, buntal products, coconut by-products, recycled glass products at iba pa.

Paliwanag ng DTI, tinutulungan at hinihikayat ng ahensya ang mga MSME na dumayo sa ibang lugar upang ipakilala at itampok ang kani-kanilang mga sariling gawang produkto.

Sa katunayan, mismong ang tanggapan ang umupa ng dalawang booth para may maayos na mapaglagyan ang mga local entreprenuer na nagmula sa Marinduque.

"Napakalaking tulong po para sa amin ang maging kabahagi ng mga ganitong gawain sapagkat naipakikilala namin ang aming mga produkto, gayundin natutulungan kaming makabangon at muling mabuksan ang ating ekonomiya matapos ang epektong dulot ng pandemya," pahayag ni Tess Domingo ng IBato Olresaykel.

Samantala, ipinagmalaki rin ng kagawaran na ito na ang pang-12 taon kung saan ay sumasali ang Marinduque sa kaparehas na gawain na isinasagawa sa tinaguriang 'City of Pines'. (RAMJR/CLM/PIA MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch