Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Ikalawang batch ng 'theoretical driving training', umarangkada sa Marinduque

BUENAVISTA, Marinduque (PIA) -- Tinatayang umabot sa 600 katao ang dumalo sa ikalawang batch ng libreng pagsasanay hinggil sa Theoretical Driving Course (TDC) para sa mga residente ng District 2 na binubuo ng bayan ng Santa Cruz, Torrijos at Buenavista.

Layunin ng tatlong araw na pagsasanay na magbigay ng sapat na kaalaman hinggil sa tamang pagmamaneho at mga dapat isaalangalang para maging responsableng drayber nang pampubliko o pribadong sasakyan.

Sinabi ni Gov. Presbitero J. Velasco, Jr. na nakita n’ya ang pangangailangan ng mga indibidwal na walang lisensya sa pagmamaneho na makakuha ng libreng driving course dahil sa mahal na singil ng mga pribadong driving school.

Sa pamamagitan din aniya ng pagkakaroon ng tamang lisensya sa pagmamaneho ay maglilikha ito ng trabaho para sa mga mamamayan lalo na sa mga kalalakihan dahil maraming 'delivery and courier services' ang umusbong sa panahon ng pandemya.

Isinagawa kamakailan ang libreng theoretical driving course training sa Buenavista, Marinduque na inisyatiba ng pamahalaang panlalawigan sa pakikipagtulungan sa Land Transportation Office at Technical Education and Skills Development Authority. (Larawan mula sa Marinduque LGU)

"Patuloy po tayong magpupursige upang matugunan ang pangangailangan ng ating mga kakabayan, lalo't higit ang mabigyan sila ng maayos na mapagkakakitaan o hanapbuhay," ani Velasco.

Matatandaan na noong unang linggo ng Marso ay naganap ang pagsasanay para naman sa Batch 1 na dinaluhan ng nasa 300 katao na pawang nagmula sa District 1 ng lalawigan. (RAMJR/ENSJR/PIA MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch