Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Expanded TB testing facility binuksan sa Batangas Medical Center

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Inaasahang mapapabilis na ang testing at detection ng mga kaso ng sakit na tuberculosis sa rehiyon ng Calabarzon sa pagbubukas ng Tuberculosis (TB) Culture and Drug Susceptibility Testing Laboratory sa Batangas Medical Center (BatMC).

Ang laboratoryong ito ang kauna-unahang pasilidad sa rehiyon na may kakayahan ding alamin kung ang isang pasyente ay immune sa TB antibiotics.

Magiging prayoridad dito ang mga testing samples mula sa Calamba Regional TB Infirmary kung saan karamihan ng mga detainees ay ginagamot upang mas mapagaan din ang load ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na siyang dating nagsasagawa ng pagsusuri.

Batay sa ulat ng World Health Organization Global Tuberculosis Report 2021, ang Pilipinas ay isa sa mga bansa na may malaking pagbaba ng numero ng TB cases sa pagitan ng 2019 at 2020 dahilan sa kakulangan ng pagsusuri.

Ayon kay Dorsa Nazemi-Salman, deputy head ng Manila International Committee of the Red Cross (ICRC) delegation, kailangan bigyang atensiyon ang pagsusuri ng TB cases upang mas mapadali ang pagsugpo at maiwasan ang pagkalat pa nito.

Isa ang masisikip na kulungan sa bansa na pinagmumulan ng TB, isang nakakahawa ngunit nagagamot na sakit. Sa isinagawang malawakang screening noong 2021 sa mga detention facilities sa Region IV-A ng Department of Health (DOH), ICRC, Philippine Business for Social Progress (PBSP),at BJMP nasa 526 sa 24,035 na detainees o 2-porsiyento ang nagpositibo sa TB at isinailalim sa gamutan.

Batay sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), pangalawa ang Calabarzon sa mayroong pinakamasikip na kulungan sa buong bansa, kung saan malaki ang tsansa ng mga detainees para mahawa sa naturang sakit.

Sinabi ni Dr. Ramoncito Magnaye, Medical Center Chief ng BatMC, na isang seryosong problema ang TB sa bansa pero naisantabi dahilan sa pagdating ng COVID-19.

Aniya, kailangan muling bigyang prayoridad ang pagkontrol at pagpigil ng pagkalat ng naturang sakit sa pamamagitan ng tamang diagnosis at pagbibigay ng tamang gamutan sa mga pasyente.

Simula 2017 ay masigasig na nakikipag-ugnayan ang ICRC sa pamahalaan upang mabigyang pansin at matugunan ang mga usaping pangkalusugan tulad ng TB at iba pa. — Bhaby P. De Castro, PIA Batangas (may ulat mula sa DOH CALABARZON)

About the Author

Kier Gideon Paolo Gapayao

Information Officer III

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch