LA TRINIDAD, Benguet (PIA) -- Inirerekomenda ang mahigpit na pagpapatupad sa mga polisiya at alituntunin kaugnay sa paninigarilyo at paggamit ng betel quid o momma.
Kasunod ito ng inilabas na resulta ng Benguet Global Youth Tobacco Survey (BeGATS) kung saan, naalarma ang mga health experts sa mataas na bilang ng mga naninigarilyo at gumagamit ng betel quid o momma sa lalawigan.
Lumabas sa nasabing pag-aaral na 25.8% o tatlo sa bawat sampung katao sa probinsiya ang naninigarilyo. Samantala, 21.6% o dalawa sa bawat sampung katao ang ngumunguya ng momma.
Aabot sa 20.2% ang mga old smokers o mga naninigarilyo ng anim na taon o mahigit habang ang mga old quid users ay 15.9%.
Ang mga new smokers o naninigarilyo sa loob ng isa hanggang limang taon naman ay 5.5% habang ang mga new betel quid users ay 5.1%.
Isinagawa ng Sigma Statistical Research Consultancy Baguio-Benguet ang nasabing survey noong 2020-2021 sa kabuuang 1,107 adults sa 13 na bayan ng Benguet.
Ayon kay Ma. Cecilia Agpawa, project team leader ng Transcending Institutions/Smoke-Free Benguet, ang naturang pag-aaral ay gagamiting benchmark sa iba't ibang aktibidad at action plans na ipatutupad para sa probinsiya.
"What we would want to really have is not an increase in the use but a decrease of the use so that all of our efforts, all of our activities will be moving that towards that goal of reducing the incidence or the use of cigarette and to include now, momma," pahayag ni Agpawa.
Lumabas din sa pag-aaral na hindi gaanong nasusunod ang mga polisiya kaugnay sa pagpapatupad ng anti-smoking at anti-betel quid chewing, hindi aktibo o walang task force na magpapatupad sa mga alituntunin kaugnay nito, hindi sapat ang mga patakaran ukol sa betel quid, at ang impluwensiya ng kultura.
Nagbigay naman ng paglilinaw si Dr. Ryan Guinaran, Executive Assistant sa Provincial Governor's Office, kaugnay sa sinasabing bahagi ng pagpreserba ng kultura ang paggamit ng momma.

"It is not about, it is culture ... but is it healthy or not is the better question. We have a lot of cultural practices but may not be good or are detrimental to our health. 'Pag sinasabi nating cultural preservation, it's not really preserving culture in toto but preserving what is good in our culture so that we will develop more," paliwanag ni Guinaran.
Inirekomenda rin ang pagpapalakas sa information education campaign kaugnay sa masamang epekto ng paninigarilyo at pagnguya ng momma, at pagbuo ng mga lokal na konseho ng smoke-free ordinance na naaayon sa World Health Organization Convention on Tobacco Control.