Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DOH NE, patuloy ang kampanya sa pagbabakuna laban sa COVID-19

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Patuloy ang kampanya ng Department of Health o DOH Nueva Ecija na magpabakuna upang magkaroon ng proteksyon laban sa COVID-19.
 
Ayon kay DOH Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa, kailangang mapaigting ang pagbabakuna upang makasabay sa mga lumalabas na bagong variant ng COVID-19 katulad ang sub-variant ng Omicron na 25 prosyentong mas mabilis na nakahahawa kumpara sa orihinal na Omicron Variant. 
 
Kaniya ding sinabi na batay sa mga pag-aaral ay posibleng dumami muli ang matamaan ng naturang sakit hindi lamang sa lalawigan kundi sa buong bansa. 
 
Sa Nueva Ecija ay umabot sa 423 active o new cases ang pinakamataas na bilang na naitala sa loob lamang ng isang araw, noong Enero 19, 2022 dahil sa pagkalat ng Omicron Variant. 
 
Pahayag ni Espinosa, pinagtutuunan ng pansin ng ahensiya ang pagbabakuna partikular sa mga nakatanggap ng first dose na hindi pa bumabalik para sa second dose gayundin ang pagbibigay ng booster. 
 
Kaniya ding ibinalita na pinapayagan na ngayon ang Heterologous COVID-19 Vaccination o vaccine mixing na kung saan maaaring magkaibang brand ng vaccine ang matanggap sa first dose at second dose.
 
Aniya, walang dapat na ikabahala dahil ito ay ligtas base sa rekomendasyon ng DOH-Public Health Services Team at ng Food and Drug Administration. 
 
Ayon pa kay Espinosa, mayroon nang pagkakataon ngayon na bumalik ang mga nabigyan ng unang dose na nakaranas ng allergic reactions upang mabigyan ng ibang brand ng vaccine para magkaroon ng kumpletong bakuna at magkaroon ng dagdag na proteksiyon laban sa sakit. 
 
Hindi na din magiging rason ngayon ang kakulangan ng bakuna para maging fully vaccinated dahil marami nang pagpipiliang brand ng bakuna na mayroon sa mga vaccination center.  
 
Kaugnay sa pagpapaigting ng pagbabakuna ay nagsasagawa ng vaccination drive sa mga paaralan sa lalawigan upang maabot ang mga kabataang edad limang taon hanggang 17 taong gulang. 
 
Ang panawagan ni Espinosa, magtungo sa mga vaccination center na itinatag ng mga pamahalaang lokal lalo na ang mga may missed doses o kulang pa sa pangalawang dose ng bakuna gayundin ang mga wala pang booster at tatanggap pa lamang ng unang dose. 
 
Malawak na aniya ang isinasagawang vaccination program ng pamahalaan na nagsasagawa ng mobile vaccination sa mga pamilihan, simbahan, mga mall at nagsasagawa ng house to house partikular sa mga liblib na lugar upang madagdagan ang bilang ng mga nabibigyang proteksiyon laban sa COVID-19. 
 
Samantala, mula sa datos ng DOH Nueva Ecija ay umabot na sa 1,439,645 ang fully vaccinated sa lalawigan, katumbas ang 84.15 porsyento ng kabuuang bilang ng populasyon. (CLJD/CCN-PIA 3)

Ang panayam kay Department of Health Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa hinggil sa kasalukuyang estado ng pagbabakuna laban sa COVID-19 sa lalawigan. (Camille Nagaño/PIA 3)

About the Author

Camille Nagano

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch