Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Urban at peri-urban agriculture program sa CALABARZON, patuloy ang pagyabong

CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Tuloy-tuloy ang implementasyon ng Department of Agriculture IV-A CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program ng Urban at Peri-Urban Agriculture Program sa rehiyon, alinsunod sa direktiba ni DA Secretary William Dar na siguruhin ang sapat na suplay ng pagkain, partikular ng mga gulay sa bansa.

Bilang pagtugon rito, pinulong ng DA 4-A ang ilang mga city at municipal agriculturists nitong Hunyo 6 upang alamin ang proyektong kanilang ipinapatupad na may kaugnayan sa urban agriculture program.

Sa isang pahayag, sinabi ni Abelardo Bragas, OIC-Regional Technical Director for Operations ng DA 4-A na mahalagang maipatupad ang urban agriculture program dahil lubos itong nakakatulong upang masiguro ang sapat na suplay ng pagkain.

“Ang Urban Agriculture ay mahalaga para sa ating lahat dahil nakapagbibigay ito ng ligtas, mabilis at malapit na access sa pagkain para sa lahat.”

Base sa datos ng DA 4-A, nakapagtatag na sila ng 70 communal gardens, 19 modernized urban agriculture sites, at 19 urban mushroom production houses sa 30 lungsod at munisipalidad sa rehiyon o kabuuang P55,000,000.00-halaga ng mga napondohang interbensyon na kinuha mula sa Bayanihan Act II na nagla-layong tugunanan ang mga problemang kinakaharap ng industriya noong kasagsagan ng pandemya.

Isa sa mga benepisyaryo ng programa ay ang San Pedro City, Laguna. Nakatanggap ang lungsod ng ilang mga proyekto kagaya ng mushroom house, modernized urban agriculture site, at apat na communal gardens.

Isa sa mga urban agriculture projects sa San Pedro City. (Larawan mula kay City Agriculturist Enrique Layola)

Ayon kay Henry Borres, presidente ng San Pedro Agri-Workers Network (SPAWN), isang samahan na nakatanggap ng mushroom house at equipment mula sa DA 4-A, malaking bagay ang naibigay sa kanilang tulong para mas mapaunlad pa ang kanilang kabuhayan.

“Maliit na po ang space namin dito sa San Pedro City, kaya't ang naibigay po sa aming mushroom house bilang isang samahan ay malaking tulong po siya dahil magkakaroon na kami ng facilities. Hindi po biro ang magtayo ng facility.”

Dagdag ni Borres, “Nagbago na po ang buhay namin simula po nang simulan namin ang pagmu-mushroom. Naging busy po kami sa trabaho. Mas maraming kita.”

Sinegundahan ito ni San Pedro City Agriculturist Enrique Layola, at sinabing nagdulot ng positibong epekto ang ipinatupad na urban agriculture program.

“Malaki ang impact ng programang ito sa aming lungsod bilang isang highly urbanized area. Nabigyan ng dadag na kita ang aming mga kababayan at karagdagang mapagkukunan ng murang pagkain,” saad ni Layola.

Nangako ng buong suporta at tulong ang DA 4-A sa mga lokal na pamahalaan at mga benepisyaryong grupo para maipagpatuloy at mas mapaunlad pa nila ang urban at peri-urban agriculture program sa rehiyon. — Christopher Hedreyda, PIA4A (may ulat mula sa DA IV-A)

About the Author

Christopher Hedreyda

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch