Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DOH namahagi ng NS1 antigen kits para sa dengue testing


TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) – Nasa kamay na ng ibat-ibang Rural Health Units (RHUs) sa Cagayan Valley Region ang kani-kanilang mga supply ng NS1 dengue Antigen kit na gagamitin upang malaman kung positibo sa dengue ang isang pasyente, ayon sa Department of Health.

Ang hakbang na ito ay bilang tugon ng departamento sa biglang paglobo ng kaso ng dengue sa rehiyon kung saan sa loob ng nakaraang linggo ay umabot sa mahigit 400 na kaso ang naidagdag at may dalawang kaso ng namatay dahil sa sakit.

Mula January 1 hangang June 11, umabot na sa 2,437 ang kasong naitala ng DOH kung saan ang pinakamataas ay ang lalawigan ng Isabela na may 1,044 na sinundan ng Cagayan na may 974, Nueva Vizcaya na may 344 at Quirino na may 70.

Ayon sa DOH, nagmula sa Kasibu, Nueva Vizcaya ang dalawang namatay dahil sa dengue nitong nakalipas na linggo.

Kung ikukumpara sa datos noong January to June 2021 na may 205 na kaso lamang, tumaas ang kaso ng 1,089 porsiyente ngayong taon.

Ayon kay Dr. Janet Ibay, Dengue Prevention and Control Program Manager ng DOH, bagamat wala pang gamot para sa dengue ay makakabuti ang maagang konsultasyon kung kakikitaan ng mga sintomas ang isang miyembro ng pamilya.

Kailangan din aniya na panatilihing malakas ang pangangatawan at ma-maintain ang hydration upang maibsan ang epekto ng dengue.

Ayon naman kay Dr. Romulo Turingan, Disease Prevention and Control Cluster Head, ngayong tag-ulan ay aasahan ang pagdagsa  ng lamok kung kaya’t mahalagang sugpuin ang pinamamahayan ng mga ito at kung maaari ay magsuot ng mga damit na may manggas at mahahaba.

Nakipag-ugnayan na rin umano ang ahensiya sa lahat ng mga lokal na pamahalaan at maging sa Department of Education lalo na at may mga nagsasagawa na ng limited face to face classes.

Bagamat hindi pa maituturing na outbreak ang dengue sa rehiyon, patuloy na pinapayuhan ng DOH ang lahat na panatilihing malinis ang kapaligiran. (GVB/PIA-Cagayan)


About the Author

Gene Baquiran

Writer

Region 2

I am simply amazing.

Feedback / Comment

Get in touch