Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Palayan, hangad maging technology-friendly city

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Patuloy na isusulong ng lokal na pamahalaan ng Palayan na maging technology-friendly ang siyudad para makatulong sa mga mag-aaral.
 
Ayon kay Mayor-Elect Viandrei Nicole Cuevas, binuksan kamakailan ng Palayan City Hall ang sarili nitong techno hub na mayroong mga computer at internet na libreng magagamit ng mga mag-aaral. 
 
Ayon kay Cuevas, ito ay bahagi sa pangarap nila ng kanyang ina na si outgoing Mayor Adrianne Mae na magkaroon ng mga pasilidad sa siyudad partikular sa mga barangay na makakatulong sa pag-aaral ng mga kabataan.
 
Nais nila aniya na magkaroon ang bawat nasasakupang barangay ng library na kumpleto sa kagamitan tulad ng mga computer, internet connection, at mga text book na pangunahing kailangan ngayon ng mga estudyante. 
 
Nakalinya din sa mga programang isusulong ni Cuevas sa kaniyang pag-upo bilang bagong alkalde ng siyudad na madagdagan ang bilang ng mga iskolar na tinutulungan sa pag-aaral ng pamahalaang panlungsod.
 
Kaniya din binanggit na susubaybay ang pamahalaang lungsod ng Palayan hanggang sa makapagtapos ng pag-aaral ang mga kabataan gayundin sa pagbibigay ng mga kasanayan na makatutulong sa paghahanap ng trabaho.  
 
Ipinahayag din ni Cuevas ang kahalagahan ng pagbabalik sa eskwela o face-to-face classes ng mga kabataan at mga guro.
 
Aniya, sa paaralan pa din pangunahing matututo ang mga kabataan kasama ang mga kapwa nila mag-aaral nang walang anumang distractions.
 
Kaniyang ipinahayag ang buong suporta sa isinasagawang face-to-face classes kasabay ang pagpapaalala sa mahigpit na pagsunod sa mga health protocol tulad ang wastong pagsusuot ng face mask, social distancing at regular na paglilinis sa mga pasilidad upang matiyak na laging ligtas ang mga paaralan para sa pagpasok ng mga kabataan at mga guro.  (CLJD/CCN-PIA 3)

Si Palayan City Mayor-Elect Viandrei Nicole Cuevas. (Camille Nagaño/PIA 3)

About the Author

Camille Nagano

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch