No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Kagamitan sa pagtatanim, natanggap ng samahan ng mga kababaihan sa Magsaysay

Kagamitan sa pagtatanim, natanggap ng samahan ng mga kababaihan sa Magsaysay

Tumanggap ang mga kasapi ng Laste Vegetable Group (LVG) at Cagulayan Farmers Association (CFA) ng mga kagamitan sa pagtatanim ng gulay. (DA-SAAD MIMAROPA)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Tumanggap kamakailan ang mga kasapi ng Laste Vegetable Group (LVG) at Cagulayan Farmers Association (CFA) ng mga kagamitan sa pagtatanim ng gulay na nagkakahalaga ng P186,560 mula sa Special Area for Agricultural Development ng Department of Agriculture (DA-SAAD).

Ipinagkaloob sa dalawang samahan ang 10 sets ng plastic drums, 10 sets plastic crates at 100 sets ng assorted vegetable seeds o mga binhi ng ampalaya, kalabasa, at iba pang gulay na karaniwang sangkap sa pagluluto ng pinakbet.

Ayon kay Richard Ochavez, Municipal Agriculturist Officer ng Magsaysay, malaking tulong ang mga ipinamahaging gamit at binhi sa mga magtatanim ng gulay. Aniya, ang plastic drums ay inilalagay malapit sa plot ng tanim na gulay upang pagkunan ng tubig na pandilig. “Ang mga plastic crates naman ay pinaglalagyan ng mga inaaning gulay upang hindi masira o ma-deform,” ayon pa kay Ochavez.

Nakasaad sa social media post ni Vilmar Robles, DA-SAAD Coordinator ng Magsaysay, na mismong si SAAD National Director Dr. Myer Mula, ang humikayat sa dalawang samahan na magtayo ng communal garden upang mapataas ang kanilang kinikita. Napatunayan namang kapaki-pakinabang ang nabanggit na mungkahi para sa dalawang samahan dahil nitong Pebrero 2022, ay binigyan din sila ng Solar Powered Irrigation System (SPIS) bilang tugon sa kakulangan sa tubig sa kanilang taniman na noon ay umaasa lamang sa tubig-ulan.

Paliwanag din ni Ochavez, dahil may communal garden na ang LGG at CFA, at binigyan pa ng SPIS, buong taon ay maaari nang magtanim ng gulay ang kanilang mga kasapi. Kwento pa ng opisyal, karamihan sa kanila ay umaasa sa iba’t ibang uri ng trabaho na arawan ang kita o kaya ay tumutulong sa gawaing bukid. Kapag tapos na ang taniman o ang arawang gawain, nahihirapan nang humanap ng kasunod na pagkakakitaan ang mga ito.

“Kaya malaking tulong ang programang ito ng DA-SAAD sa dahan-dahang pag-unlad ng kabuhayan ng mga benepisyaryo, at nawa ay magpatuloy ang espesyal na programang ito ng DA,” ani Ochavez.

Ang LGG at CFA ay samahan ng mga kababaihan mula Brgy. Laste at Brgy. Calawag ng bayan ng Magsaysay na natukoy ng DA-SAAD upang maging benepisyaryo simula pa noong 2019. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch