Walang power crisis sa OccMdo, ayon sa PDRRMC

MAMBURAO, Occidental Mindoro (PIA) -- Walang umiiral na power crisis sa Occidental Mindoro. Ito ang pinal na napagkaisahan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) sa isinagawang emergency meeting ng lupon kamakailan.
Ang nasabing pulong ay dagliang ipinatawag ni Governor Eduardo Gadiano bunsod ng desisyon ng Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC) na itigil ang operasyon ng kanilang 20 MW bunker fuel plant sa San Jose, ang pangunahing pinagkukunan ng kuryente sa buong probinsya.
Nagresulta ito sa dalawang araw na power interruption sa buong lalawigan, at umani ng pagbatikos ng marami sa social media.
Subalit sa mismong pulong ng PDRRMC, iniulat ng OccMdo Electric Cooperative (OMECO), ang kooperatibang nangangalaga sa distribusyon ng kuryente, na nagpahiwatig na ang OMCPC ng pagbabalik operasyon ng araw ding yun (Hunyo 27).
Bukod dito, ibinalita ng Omeco ang pagpayag ng Energy Regulatory Commission (ERC) na i-operate na rin ang mga planta sa Sablayan at Mamburao. Nangangahulugan ito na kahit ang ilang buwan nang rotational brownout sa probinsya ay masosolusyunan na rin. Dahil sa mga positibong balitang ito ng Omeco, napagpasyahan ng PDRRMC na walang batayan ang pagdedeklara ng power crisis sa probinsya.
Samantala, itinagubilin ni Governor Gadiano sa konseho na dapat magsagawa ng pag aaral sa naging epekto ng halos 48 oras na brownout. (VND/PIA MIMAROPA)