LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Abot sa 176 na dating mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) combatants mula sa probinsya ng Maguindanao ang nakatanggap kamakailan ng tool kits mula sa pamahalaan ng BARMM sa pamamagitan ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education-Technical Education and Skills Development (MBHTE-TESD).
Ang 68 na dating MILF combantants na nagtapos ng technical-vocational course sa Illana Bay Integrated Computer College Inc. sa bayan ng Parang ay nakatanggap ng mga kagamitan sa pagluluto tulad ng kutsilyo, food tongs, digital weighing scale, measuring cups at spoons, saucepans, mixing bowls, at chopping boards.
Baking tools naman tulad ng cups, mixing bowls, at ovens ang natanggap ng 81 na nagtapos ng pastry making mula sa sa Ittihadun Nisah Foundation-Bangsamoro Women Skills Training Center sa bayan ng Sultan Kudarat.
Nakatanggap din ang 27 na benepisyaryo na nagtapos ng carpentry mula sa Sultan Kudarat Islamic Academy Foundation College ng pull push rule, claw hammer, spirit level bar, steel square, crow bar, chalk line reel, wood chisel, portable handrill, at portable circular saw.
Sinabi ni MBHTE-TESD Focal Person Mohamad Ali Diang na ang pamahalaan ng BARMM ay naghahangad ng magandang kinabukasan para sa dating mga MILF combatant. Aniya, isa sa mga layunin ng programa ang matulungan ang mga decommissioned MILF na makapagsimula ng iba pang mapagkukunan ng kanilang kita sa pang araw-araw.
Samantala, ang nasabing pamamahagi ay suportado ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity sa ilalim ng Normalization Program o sa bisa na rin ng Executive Order no. 79 na target na matulungan ang mga dating MILF tungo sa mapayapa at pagiging produktibong miyembro ng komunidad. (With reports from Bangsamoro Government).