Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Higit 74M naipagkaloob ng DOLE sa TUPAD beneficiaries ng OccMdo

Higit P74 M naipagkaloob sa ng DOLE TUPAD beneficiaries ng OccMdo

Sa Kapihan sa PIA sa isang lokal na himpilan, ay ipinapaliwanag ni Peter James Cortazar, DOLE Occ Mdo Provincial Field Officer, ang iba’t ibang programa ng tanggapan. (VND/PIA OccMdo)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Higit 74 milyong piso na ang kabuuang halaga na ipinagkaloob ng Department of Labor and Employment (DOLE) OccMdo, sa may 25,000 na Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) workers sa buong lalawigan.

Sa Kapihan sa PIA kamakailan, sinabi ni Peter James Cortazar, DOLE Provincial Field Officer, na ang nasabing bilang ay 80% ng kanilang target na mabigyan ng tulong sa lalawigan ngayong taon. Aniya, inaasahan nilang makukumpleto ang natitirang 20% sa darating na Oktubre 2022. Ayon pa kay Cortazar, sakaling maabot ng tanggapan ang target na bilang ng benepisyaryo para sa nasabing programa ay magpapatuloy pa rin ang paghahatid ng tulong ng ahensya.

Nabatid din sa opisyal na bahagyang tumaas ang tinatanggap ng mga TUPAD beneficiaries.

“Simula Hunyo ngayong taon ay nadagdagan ng P35 ang kita ng ating mga manggagawa, kaya P355 na ang minimum wage nila kumpara sa dating P320,” saad ni Cortazar.

Ipinaliwanag pa ng Provincial Field Officer na sa pamantayan ng TUPAD, maaaring magtrabaho 10-30 araw ang isang benepisyaryo. Gayunman, higit aniyang mas marami ang matutulungan ng programa kung lilimitahan sa sampung araw ang pagtatrabaho ng bawat isa. Dagdag pa ng opisyal, na nakapaloob din sa guidelines ng TUPAD na ang isang pamilya ay maaaring maging benepisyaryo isang beses lamang sa loob ng isang taon.

“Makakaulit lamang ang benepisyaryo sakaling, sa parehong taon, ay naging biktima ng kalamidad ang pamilya nito ,” ani Cortazar.

Ang TUPAD ay isa sa mga programa ng DOLE na tumutulong sa informal sector na naapektuhan ng pandemya na magkaroon ng kita sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng pansamantalang hanapbuhay tulad ng paglilinis, pagsasaayos ng pampublikong pasilidad, at iba pang proyekto na maaaring gawin sa komunidad. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch