Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Makilala may 14 na bagong barangay hall

MAKILALA, Lalawigan ng Cotabato (PIA) -- Mayroon nang 14 na bagong barangay hall ang bayan ng Makilala matapos maiturn-over kamakailan ng Office of Civil Defense ang mga nasabing pasilidad sa lokal na pamahalaan.

Ang mga benepisyaryong barangay ay ang Saguing, Rodero, Luayon, Sto. Niño, Garsika, Buhay, Concepcion, Bato, Batasan, Villaflores, Leboce, Kawayanin, Indangan, at Buenvenida.

Nabatid na abot sa P42 milyong halaga ang inilaan ng OCD sa pagpapatayo ng mga naturang pasilidad. Ito ay sa pamamagitan ng Comprehensive Aid for the Repair of Earthquake Damages Fund.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Mayor Armando Quibod si dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa pagbigay pansin at pag-apruba sa hiling na mabigyan ng mga proyekto ang bayan para sa rehabilitasyon nito matapos sirain ng lindol noong Oktubre 2019.

Nagpasalamat din ang alkalde sa OCD, mga empleyado ng lokal na pamahalaan, maging sa Department of Public Works and Highways, at iba pang mga katuwang na ahensya sa pagsasakatuparan ng 14 na proyekto.

Sa kabilang banda, nangako ang mga opisyal ng mga benepisyaryong barangay na kanilang pamamahalaan nang maayos ang mga pasilidad kasabay ng paghahatid ng tamang serbisyo sa mamamayan. (With reports from MICO Makilala)

About the Author

Shahana Joy Duerme

Writer

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch