BOAC, Marinduque (PIA) -- Nakiisa ang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan at nasyunal sa katatapos lamang na 3rd Quarter National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) kamakailan.
Ito ay bilang suporta sa programa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na naglalayong mapanatili ang kahandaan ng publiko sa oras ng kalamidad.
Umabot sa 200 empleyado mula sa iba't ibang tanggapan ng pamahalaan ang nag 'duck, cover and hold' kasabay ng pagtunog ng mga sirena eksakto alas 9:00 ng umaga.
Sinundan ito ng evacuation o paglikas mula sa loob ng mga opisina patungo sa ligtas na lugar habang pinoprotektahan ang kani-kanilang mga ulo gamit ang kamay at iba pang pananggalang.
Nagsagawa rin ng mga senaryo na posibleng maganap pagkatapos ng lindol kagaya ng pagresponde ng kapulisan, search and rescue operation, at iba pang pangangailang medikal.
Ayon kay Rino Labay, Officer-in-Charge ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) isinasagawa ang ganitong drill para malaman ang mga dapat gawin kapag may lindol at upang sukatin ang kapasidad ng provincial capitol emergency response team. (RAMJR/MKL/PIA MIMAROPA)