Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

International Coastal Clean-up Day, ipinagdiwang sa bayan ng Gloria

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Sa temang; ‘Re-imagining a clean, healthy, sustainable and trash free seas,’ ipinagdiwang at isinagawa kamakailan sa bayan ng Gloria ang International Coastal Clean-up Day na ginanap sa limang barangay sa pangunguna ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng lokal na pamahalaan.

Kasamang nakiisa sa MENRO sa naturang aktibidad ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Gloria Municipal Police Station upang linisin ang mga nagkalat na dumi sa mga baybayin ng barangay Guimbonan at Sta. Theresa hanggang Balite gayundin sa barangay San Antonio at Kawit.

Nagtulong-tulong ang mga kawani ng Gloria MENRO sa pangangalap ng mga basura bitbit ang mga sako sa mga baybaying dagat upang maging malinis ang kapaligiran kasabay ng pagdiriwang ng ‘International Coastal Clean-up Drive’ na isinagawa sa limang barangay kamakailan. (Larawan kuha ng: Gloria Municipal Gazette)

Nahati sa dalawang pangkat ang mga naglinis ng baybayin, ang MENRO sa bahagi ng Guimbonan patungong Balite habang ang grupo ng MDRRMO at ang kapulisan ng Gloria ay sa lugar ng San Antonio at Kawit.

Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng gawain ay para ipabatid sa mga tao na ang mga basura ay dapat itapon sa tamang lugar lalo na ang mga plastic dahil ang mga ito ay maaaring anudin sa dagat at makapaminsala sa kalusugan ng mga isda gayundin sa mga bahura at iba pang mga lamang dagat.

Makikita sa larawan (mula kaliwa hanggang pangatlong larawan) ang mga basura na kinalat at iniwan sa tabing dagat na mga bote, papel, plastik, diaper at iba pa na posibleng inanod habang ang iba ay iniwan ng mga tao na naligo sa tabing dagat. Samantala, (huling dalawang larawan sa kanan) nakakalap ang mga tauhan ng MENRO, MDRRMO at kapulisan ng Gloria ng iba’t-ibang uri ng basura na umabot sa 143 kilo ang timbang sa mga baybayin ng mga barangay Guimbonan at Sta. Theresa hanggang Balite gayundin sa barangay San Antonio at Kawit. (Larawan kuha ng: Gloria Municipal Gazette)

Sa pagtatapos ng aktibidad, nakapangalap ang MENRO ng 143 kilo ng basura,  29 na kilo dito ay mga bote ng softdrink, mga plastic at mga bagay na maari pang gamitin, at isang sako ng mga nagamit na diaper.

Paalala ni Mayor German Rodegerio sa mga Gloriano at mga bumibisita sa mga lugar, “Pangalagaan natin ang ating kalikasan lalo na ang mga baybaying dagat dahil ito ay likas yaman na ibinigay sa atin na dapat mapanatiling malinis at maayos. Itapon sa tamang lugar ang mga basura at huwag iwanan sa kung saan-saan lamang.” (DN/PIA-OrMin/Gloria Municipal Gazette)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch