Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Kampanya sa kalusugan, pinaigting sa Daet District Jail

DAET, Camarines Norte, Setyembre 21 (PIA) –  Mas pinaigting sa Daet District Jail ang kampanya sa kalusugan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) para sa mas ligtas na pangangatawan at mapangalagaan ang mga nakabilanggo dito.

Sa pamamagitan ito ng isinasagawang health monitoring, advocacy, webinars at talakayan na pinagsisikapan ng naturang piitan upang mapalakas hindi lamang ang  resistensiya ng mga PDL kundi ganundin ang kanilang emosyonal, ispiritwal at sikolohikal na aspeto ng kanilang sarili.

Ayon kay OIC Jail Inspector Edgar L. Francisco, ang pagpapanatili ng kalinisan ng paligid at sa kanilang mga sarili, gayundin ang patuloy na pagpapabakuna ang siyang naging susi upang manatiling COVID-free ang piitan.

Aniya, naging aktibo rin ang mga PDL at ipinapakita ang kanilang galing sa larangan ng sports, pagsayaw at meditasyon para sa mga kababaihan.

Matatandaan, sa nakalipas na mahigit dalawang taon na nagpatupad ng absolute lockdown ang mga piitan sa ilalim ng pamamahala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay malaking pagsubok para sa PDL ang hindi masilayan ang kanilang pamilya.

Upang maibsan ang pangungulila, nagsagawa  ng ibat-ibang aktibidad at programa ang piitan upang sa kabila ng pandemya ay patuloy na maging produktibo ang mga ito.

Bukod sa pinaigting na E-Dalaw kung saan nakakausap ang kanilang kaanak sa pamamagitan ng online gadgets, nagpatuloy rin ang call privilege para sa mga nagnanais na marinig ang boses ng kanilang minamahal. Sinuportahan naman ang E-Burol para sa mga PDL na namatayan.

Nagkaroon rin ng inisyatibo na gumamit ng intercom para sa mga personal na bumibisita sa piitan kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga PDL na makausap at masilayan sa pinto ng pasilidad ang dumalaw na kapamilya.

Malaki ang naging pasasalamat ng mga PDL at kaanak nito nang mapahintulutan na rin ang  No-Contact Jail Visitation.

Samantala, patuloy ang implementasyon ng Alternative Learning System (ALS) kung saan nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral ang mga PDL habang sila ay nasa loob ng piitan.

Mayroon din silang pinagkakaabalahan na mga livelihood projects at skills enhancement activities katulad ng paggawa ng galleon, basahan, alkansya, clay arts, paggawa ng processed food tulad ng longganisa at iba pa.

Ngayong darating na kapaskuhan ay pinaghahandaang muli ng mga PDL ang paggawa ng makukulay na parol.  (PIA5/Camarines Norte/ ulat mula sa tanggapan ng Daet District Jail)

About the Author

Reyjun Villamonte

Job Order

Region 5

Feedback / Comment

Get in touch