Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

500 pamilya sa Laguna, nagtapos sa 4Ps

Personal na dumalo si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo sa programa at naghatid ng mensahe ng pagtulong para sa bawat pamilya. (Larawan mula sa Laguna Provincial Information Office)

LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) — Pormal nang nagtapos ang 500 pamilyang Lagunense na mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, sa ginanap na Pugay Tagumpay Ceremony nitong Setyembre 21 sa Sta. Cruz, Laguna.

Nakatanggap ng sertipiko ng pagkilala ang bawat pamilyang inalis sa 4Ps matapos silang matukoy ng DSWD-Listahanan bilang mga “non-poor” o mga natulungan na ng programa na makatawid mula sa kahirapan.

Personal na dumalo si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo sa programa at naghatid ng mensahe ng pagtulong para sa bawat pamilya.

Pagtitiyak ng kalihim na maaari pa ring makatanggap ng iba pang mga benepisyo ang mga dating benepisyaryo ng 4Ps mula sa iba’t-ibang inihandang programa ng kagawaran.

“Kayo po ay lalabas na sa 4Ps. Hindi naman namin kayo basta pababayaan dahil pwede po kayong mag-apply naman sa tinatawag na programa namin na Sustainable Livelihood Program (SLP).”

Dagdag ni Tulfo, “Kayo po ang prayoridad ng SLP, yan po ay pang-kabuhayan na ibinibigay ng DSWD sa lahat ng mga ga-graduate sa 4Ps. P15,000 po iyan.”

Mahalaga ayon kay Sec. Tulfo na mai-alis na ang mga pamilyang natulungan ng 4Ps para makapagbigay pa ng kinakailangang tulong para sa iba pang mahihirap na pamilyang Pilipino.

Binanggit din ng kalihim ang mandato ng DSWD na tulungan ang bawat Pilipino sa kanilang pag-unlad.

“Wag po kayong mag-alala. Tutulong po ang DSWD sa inyo. Hindi po namin kayo pababayaan. Hindi po kayo pababayaan ng gobyerno. Ang bilin po sa akin ng Pangulong Bongbong Marcos, bilin po sa amin mga opisyales ng gobyerno na lahat po tayo aangat. Wala pong maiiwan sa baba. Ibig sabihin, tulungan po para makaahon dito sa pandemya, para makaahon dito sa problema sa ekonomiya, lahat po tayo sabay-sabay aahon,” ayon sa kalihim.

Nagpa-abot naman ng kanyang pasasalamat si Governor Ramil Hernandez sa national government sa tulong nito para sa kanyang mga kababayan.

“Pinapasalamatan po natin ang national government sa kanila pong naging tulong, at patuloy pang magiging mga tulong sa lalawigan ng Laguna. Ang Pamahalaang Panlalawigan po marami tayong mga programa na mas lalo pang nakakatulong dahil sa tulong ng national [government].”

Ayon sa datos ng DSWD Laguna, aabot sa 27,314 households na benepisyaryo ng 4Ps sa lalawigan ng Laguna ang nakaambang aalisin sa listahan ng programa.

Plano ng kagawaran na makapagpa-tapos ng 1,620 pamilya sa ilalim ng 4Ps hanggang Nobyembre 2022.

Patuloy naman ang isinasagawang validation ng mga kawani ng DSWD ukol sa pagdaragdag ng mga bagong pamilyang posibleng maisama sa 4Ps. (CH/PIA4A)

About the Author

Christopher Hedreyda

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch