Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

PinasLakas campaign sa Kabugao at Conner, tututukan

APAYAO (PIA) -- Tututukan ng Apayao Provincial Health Office (PHO), katuwang ang Department of Health, ang COVID-19 vaccination sa bayan ng Kabugao at Conner.
 
Inihayag ni Provincial Health Officer I Dr. Mark Joleen Calban na bagama't nakamit ng dalawang bayan ang pagbabakuna sa 70% target population, mababa ang kanilang coverage rate ng first booster doses.
 
Sa pinakahuling tala ng PHO, 4.28% pa lamang sa target population ng Kabugao ang nakatanggap na ng booster dose habang 3.13% naman sa Conner.

Apayao Provincial Health Officer I Dr. Mark Joleen Calban (PIA-CAR)

Aniya, mababa ang booster coverage rate sa dalawang bayan dahil para sa ilan, sapat ng proteksyon ang dalawang primary series ng bakuna habang ang ilan ay naniniwalang wala na ang COVID-19.
 
Upang mapawi ang mga ganitong paniniwala, sinabi ni Calban na, "We partner with IP leaders during our demand generation activities, we partner with National Commission on Indigenous Peoples para mag-conduct ng series of IEC."
 
Sa kabila ng mga hamong ito, sinisikap aniya nila na mailapit sa mga mamamayan ang bakuna sa pamamagitan ng house-to-house vaccination. Sinabi niya na sinunod nila ang istratehiyang ito ng Sta. Marcela na nakakamit na ng kanilang target.

"If you go to their household and explain to them, nagpapabakuna naman sila. Out of the 10 siguro, mga 7 ang nagpapabakuna," ani Calban.
 
Isa pa sa hamong kinakaharap nila ay natatakot ang ilan dahil sa expiry date ng mga bakuna o mga bakunang nabigyan ng extended use time.

"We partnered already with DILG and DepEd, pumupunta kami ng schools pero mababa ang turnout kasi 'yun nga, expired daw 'yung mga vaccine," paliwanag nito.
 

Dahil dito ay mas pinalalakas nila ang kanilang kampanya upang maigiit ang kahalagahan ng pagpapabakuna at maipaintindi sa publiko na ligtas ang mga bakunang nabigyan ng extended use time.


Una nang inihayag ng Department of Health na para sa mga edad 12-49, kumpleto ang kanilang bakuna kapag naturukan na sila ng dalawang primary series at isang booster dose.


Samantala, sa mga edad 18-49 with comorbidities, 50 years old pataas, at mga healthcare workers, kumpleto ang kanilang bakuna kapag nakatanggap na sila ng dalawang primary series at dalawang booster doses. (JDP/DEG-PIA CAR)

(Source: DOH)

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

CAR

Feedback / Comment

Get in touch