Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DSWD, namahagi ng food packs sa mga evacuees sa Cabanatuan

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Nasa 401 family food packs ang inisyal na ipinamahagi ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa lungsod ng Cabanatuan. 
 
Pinangasiwaan mismo ni DSWD Undersecretary for Disaster Response Management Group Marco Bautista kasama sina Assistant Regional Director for Operations Venus Rebuldela, at Cabanatuan City Mayor Myca Elizabeth Vergara ang pamamahagi ng tulong sa mga residenteng pansamantalang tumutuloy sa Lazaro Francisco Integrated School.
 
Ayon kay Bautista, bilin nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at DSWD Secretary Erwin Tulfo na kailangang makita at malaman ang sitwasyon ng mga mamamayan sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Karding gayundin ay magkaroon ng direktang koordinasyon sa mga lokal na punong ehekutibo upang mapabilis ang paghahatid ng tulong mula sa pambansang pamahalaan.
 
Kanyang ipinahayag na lahat ng mga nasa evacuation center sa iba’t ibang mga bayan at siyudad ay mabibigyan din ng food packs na pandagdag sa kailangang suplay ng pagkain ng pamilya.
 
Bukod pa ang tulong pinansyal na ibinibigay ng ahensya para sa mga pamilyang partially damaged ang tirahan at ang paghahatid ng programa sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations.
 
Ang may partially damage na tahanan ay tatanggap ng temporary relief cash assistance na nagkakahalaga ng limang libong piso para sa bawat benepisyaryo. 
 
Paglilinaw ni Bautista, sa ganitong panahong may kalamidad ay itinutuon ng DSWD ang lahat ng mga programa sa mga apektadong mamamayan upang makatulong sa muling pagbangon sa buhay at hindi gaanong mabigatan sa naging epekto ng sakuna. 
 
Aniya, makaaasa ang mga naapektuhan ng bagyo na gagawin ng ahensya ang lahat ng makakaya upang makatulong sa kanila.
 
Kaugnay nito ay ipinaaabot ni Mayor Vergara ang lubos na pasasalamat sa mabilis na pagtugon at pagtulong ng DSWD sa mga mamamayang naapektuhan ng bagyo.
 
Kanya ding ibinalita na patuloy tinitignan ng lokal na pamahalaan ang lawak ng epekto ng bagyo sa buong siyudad partikular sa mga nasirang taniman, tirahan, at kasalukuyang tumutuloy sa mga evacuation center gayundin ay kanya ng inatasan ang mga kapitan sa bawat barangay upang malaman ang pangangailangan ng mga nasasakupan.

Ang mensahe ni Mayor Vergara, ang buong pamahalaang lungsod ay kumikilos upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan matapos ang nagdaang kalamidad. (CLJD/CCN-PIA 3)

Pinangunahan mismo ni Department of Social Welfare and Development o DSWD Undersecretary for Disaster Response Management Group Marco Bautista (pangatlo mula sa kanan) ang pamamahagi ng family food packs sa mga residenteng pansamantalang tumutuloy sa Lazaro Francisco Integrated School. Kasama niya sina DSWD Assistant Regional Director for Operations Venus Rebuldela (kanan) at Cabanatuan City Mayor Myca Elizabeth Vergara (pangalawa mula sa kanan). (DSWD FO 3)

About the Author

Camille Nagano

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch