Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mataasnakahoy, nakibahagi sa Nationwide Tree Planting

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)—Nakibahagi sa isinagawang Nationwide Tree Planting activity ang pamahalaang lokal ng Mataasnakahoy na ginanap sa Sitio Lipote, Brgy. Kinalaglagan noong ika-13 ng Setyembre.

Ang aktibidad ay magkakatuwang na itinaguyod ng Department of Environment and Natural Resources kabilang ang sangay ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), Community Environment and Natural Resources Office (CENRO), Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO); Department of Interior and Local Government (DILG), lokal na pamahalaan ng Mataasnakahoy, Sangguniang Barangay ng Kinalaglagan, Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Mataasnakahoy Mayor Janet Ilagan, masuwerte ang kanilang bayan na siyang napiling pagdausan ng simultaneous tree planting alinsabay din sa pagdiriwang ng kaarawan ni President Bongbong Marcos.

“Ang kaparehong aktibidad ay palagiang ginagawa ng lokal na pamahalaan sapagkat mahalaga ang puno sa kapaligiran na Malaki ang naitutulong sa kalusugan ng tao at pagkakaroon ng maayos at malinis na hangin,” ani Ilagan.

Sa mensahe naman ni Vice Mayor Jay Ilagan, sinabi nito na isa sa ten-point agenda ni Mayor Ilagan ang patuloy na pagtatanim ng puno sa lahat ng mga bakanteng lupain na maaaring taniman.

“Binabalak ng lokal na pamahalaan na mamili ng fruit bearing tree para ipamahagi sa buong bayan at pagdating ng ilang taon ay mapakinabangan ng mga mamamayan. Gaano man tayo ka-busy huwag nating kalimutan na tayo ay may responsibilidad sa ating kalikasan,” ani Vice Mayor.

Sinabi naman ni PENRO Noel Recillo na may tema ang aktibidad na “Buhayin ang Pangangalaga sa Kalikasan” na pinagsamang programa ng Department of Environment and Natural Resources(DENR) at Department of Interior and Local Government (DILG).

“Isinasagawa ito sa buong Pilipinas at isang paraan upang ipaalala sa mga tao ang kahalagahan ng pagtatanim ng puno sa kapaligiran dahil nagrerelease ito ng oxygen na mahusay para sa ating katawan. Bukod sa pagtatanim ay patuloy din ang isasagawang monitoring sa mga punong ito katuwang ang barangay upang siguruhin ang pagmimintina nito,” ani Recillo. (MDC/PIA-BATANGAS)

About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch