Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Polillo islands at General Nakar, isinailalim sa State of Calamity

LUNGSOD NG LUCENA, Quezon (PIA)-- Isinailalim na sa State of Calamity ang Polillo Group of Islands na binubuo ng mga bayan ng Polillo, Patnanungan, Panukulan, Burdeos, Jomalig, gayundin ang bayan ng General Nakar matapos hagupitin ng Super Typhoon “Karding” noong nakaraang Setyembre 25.

Sa isinagawang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon, pinagkaisahan ng mga miyembro nito, sa pangunguna ni Vice Governor Anacleto Third Alcala na mapagtibay ang kahilingan ni Quezon  Governor Helen Tan na maisailalim sa State of Calamity ang mga nasabing  bayan.

Gayundin, ang mapahintulutan ang gobernadora na magamit ang Quick Response Fund upang matugunan at matulungang makabangon ang mga taga Quezon partikular yaong mga  lubhang nasalanta ng bagyo.

Sa report ni Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer  Dr. Mel Avenillla,  may isang namatay sa Quezon  bunsod ng nagdaang kalamidad.

Samantala, wala pa ring suplay ng kuryente sa mga bayan na nasa Polillo Islands gayundin sa Brgy. Umiray ng General Nakar.

Sa inisyal na ulat naman ni Quezon Provincial Social Welfare and Development Officer Sonia Leyson, aabot sa 5,000 kabahayan  sa Quezon ang nasira matapos masalanta ng bagyo.

Ayon naman kay Quezon Provincial Agriculturist Dr. Lisa Mariano, mahigit P 186M ang inisyal na pinsala ng Super Typhoon Karding kung saan mahigit 16,000 mangingisda at magsasaka ang apektado.

Dahil dito, patuloy ang pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga nasalanta ng bagyong Karding at hindi hihinto ang tanggapan hangga't unti-unting makabangon ang bawat pamilyang Quezonian sa nagdaang kalamidad. (RMO-PIA Quezon may ulat mula sa Provincial Government of Quezon FB page)


About the Author

Ruel Orinday

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch