Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

San Miguel sa Bulacan, isinailalim sa State of Calamity

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Isinailalim sa State of Calamity ang bayan ng San Miguel sa Bulacan na nagtamo ng pinakamalaking pinsala nang tumama ang bagyong Karding sa lalawigan.
 
Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Head Den Pablo, magagamit na ng pamahalaang bayan ang bahagi ng 7.5 milyong piso na Quick Response Fund upang mas marami ang mabigyan ng food packs; matulungan ang mga nasiraan ng ari-arian at naapektuhan ang kabuhayan; at makumpuni ang mga pampublikong pasilidad.
 
Magiging karagdagan ito sa inisyal na 1,705 na pamilya na nakatanggap ng food packs mula sa pamahalaang bayan.  
 
May pauna na ring 294 na kahon ng food packs ang ipinadala naman ng Department of Social Welfare and Development.
 
Nagbigay naman ng family food packs at emergency kits ang Provincial Social Welfare and Development Office o PSWDO sa 45 mga pamilyang inilikas at dinala sa mga evacuation centers sa mga barangay ng Tigpalas, Batasan Bata, Biak na Bato at Salangan.
 
Ayon kay PSWDO Head Rowena Tiongson, naglalaman ang emergency kits ng mga kumot, kulambo, banig at unan.
 
Target ding matulungan ng pamahalaang bayan ang mga paunang pangangailangan ng magsasaka at mangingisda sa San Miguel.
 
Base sa tala ni Provincial Agriculture Office Head Gloria Carillo, nasa 3,394 na mga magsasaka ng palay, 189 na mga maggugulay, anim na magmamais at pitong mangingisda ang naapektuhan sa nasabing bayan.
 
Aabot sa 180.3 milyong piso ang inisyal na naitatalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa bayan na may pinakamalaking lupang sakahan ng palay sa lalawigan. (CLJD/SFV-PIA 3)
 

Madadagdagan na ang maitutulong ng pamahalaang bayan ng San Miguel sa mga napinsala ng bagyong Karding ngayong nakapailalim na ito sa State of Calamity. (San Miguel MDRRMO)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch