LEGAZPI CITY, ALBAY (PIA) -- Mahirap nang maibaba pa sa alert level 1 ang Mayon Volcano dahil sa patuloy na paglaki ng lava dome nito na posibleng magdulot ng phreatic eruption at rock fall, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) – Bicol
“It is difficult to lower the alert level of Mayon Volcano as of now due to the lava dome na binabantayan naming at pinangangambahan na matipak at makapaminsala,” pahayag ni PHIVOLCS – Bicol resident volcanologist Dr. Paul Karson Alanis sa Ugnayan sa Bicol radio program ng PIA Region 5.
Pagbibigay-diin ni Alanis, kailangang masiguro na walang residente sa 6-kilometer permanent danger zone (PDZ) upang maiwasan ang anumang casualties.
“Alert level 2 ang Mayon Volcano, even bihira na maka-detect ng volcanic earthquakes patuloy padin ang pag laki ng lava dome. As a matter of fact 40,000 cubic meters nung August at naging 48,000 cubic meters ngayong October so lumaki talaga siya,” ani Alanis.
“So iwasan natin yung pagpasok sa 6-km PDZ kasi pwedeng magkaroon ng phreatic eruptions and rock falls, and magtipak-tipak yung lava dome sa ibabaw at dumausdos ang mga tipak na ito sa 6km PDZ,” dagdag niya.

Sa Ugnayan sa Bicol radio program ng PIA Region 5, binigyang-diin ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) – Bicol resident volcanologist Dr. Paul Karson Alanis na kailangang masiguro na walang residente sa 6-kilometer permanent danger zone (PDZ) upang maiwasan ang anumang casualties matapos maitaas ang Mayon Volcano sa alert level 2.
Aniya, sa kanilang pag-aaral ay walang nakitang indikasyon na may bagong magma na umaakyat mula sa ilalim samantalang ang mga magma sa lava dome ay mga natira pa noong 2018 eruption.
“Ang dahilan ng paglabas ng lava at pag-aalburoto ng Mayon Volcano ngayon is una, due to hydrothermal activity o mababaw yung pressure source). Pangalawa, nakakadagdag yung tectonic force o paggalaw ng mga fault lines sa paligid ng bulkan. Napipiga yung Mayon at nailalabas niya yung mga naiwan nung 2018 eruption,” paliwanag ni Alanis.
Dagdag niya, sa ngayon ay mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng phreatic eruptions na posibleng pagmulan ng magmatic eruption.