Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Turismo, palalakasin para sa pagbangon ng ekonomiya -DOT

DOT Secretary Maria Esperanza Christina Frasco giving her message. (Screengrabbed from RTVM)

LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Sa ginanap na Philippine Tourism Industry Convergence Reception nitong Lunes, Oktubre 17, na pinangunahan ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. (PBBM) sa SMX Convention Center sa Lungsod ng Pasay ay binigyang halaga ang malaking papel na gagampanan ng turismo sa muling pagbangon ng ekonomiya mula sa pandemya.

Ang aktibidad, na pinangunahan ng Department of Tourism (DOT) at ng kanilang kalihim na si Secretary Maria Esperanza Christina Frasco, ay nagbibigay hudyat ng muling pagsisimula ng pagtutulong-tulong ng iba’t ibang sektor sa mas lalo pang paglago ng turismo sa bansa.

Ipinaliwanag ni Frasco sa kanyang pagbabahagi sa nasabing aktibidad ang ilang mga pagbabago na naganap sa loob ng kanyang kagawaran simula nang siya ay maupo bilang kalihim na nagdulot ng maraming mga kwento ng tagumpay na nakapaloob sa unang 100 araw ng Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Ayon kay Frasco, ang DOT ay kasalukuyan nang nakatutok sa pitong pangunahing layunin. Una rito, ang pagpapabuti ng mga imprastrakturang pang turismo at accessibility sa mga ito; Ikalawa, ang komprehensibong digitalisasyon at connectivity; Ikatlo, ang pagpapahusay sa pangkalahatang karanasan ng mga turista; Pang-apat, ang pagkaka pantay-pantay sa pagpapaunlad at promosyon ng mga produktong pang turismo; Panglima, ang pag diversify ng portfolio sa pamamagitan ng multidimensional na turismo; Ikaanim, ang pag-maximize sa domestikong turismo; At ang panghuli, ang pagpapalakas ng pamamahala sa turismo sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholder.

Kasama ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), ginanap ang tatlong groundbreaking ng mga Tourist Rest Areas (TRAs) sa iba’t ibang panig ng bansa nitong buwan lamang. Ayon kay Frasco, ang mga imprastrakturang ito ay magsisilbing tuluyan ng mga turista na mangangailangan ng malinis na banyo at lugar upang makapagpahinga sa pagitan ng kanilang mga paglalakbay. Ang mga TRA na ito ay gagamitan ng mga lokal na materyales at disenyo na tunay na magpapakilala sa tatak Pinoy.

Ang mga pasilidad na ito ay magkakaroon din ng mga information center at pasalubong centers na magpapakilala naman ng iba't ibang produktong ipinagmamalaking gawa sa Pilipinas.

Idinagdag din ni Frasco na lalo pang palalakasin ang pamamahala sa turismo sa pamamagitan ng kanyang direktiba sa lahat ng mga regional office at attached agencies ng DOT na makipag-ugnayan sa mga Local Government Units (LGUs) sa loob ng kanilang nasasakupan upang magtatag ng isang malakas na pakikipagtulungan sa pagitan ng nasyunal at ng lokal na pamahalaan.

Matatandaang si Frasco ay nagsilbi ng tatlong termino bilang mayor ng Liloan, Cebu bago ang kanyang appointment bilang kalihim ng DOT.

The tourism industry has long had enormous potential to fuel the engine of our country’s economic growth. Harnessed in the right way and in a manner that is inclusive sustainable, proactive and collaborative. We transform the industry so that it can rise to its full potential ready to pivot, to innovate, to prevail over the challenges of our time (Ang industriya ng turismo ay matagal nang may napakalaking potensyal na maging pangunahing mekanismo sa paglago ng ekonomiya ng ating bansa. Lalo na kung gagamitin lamang ito sa tamang pamamaraan at sa paraang inklusibo, maagap at may pagtutulungan. Babaguhin natin ang industriyang ito upang mas maiangat pa ito sa buong potensyal nito na handang mag-pivot, mag-innovate, upang manaig sa mga hamon ng ating panahon),” ani Frasco.

Unity Toast for PH Tourism (screengrabbed from RTVM)

Patuloy rin sa pagsusumikap ang pamahalaan, ayon kay Frasco upang mapataas ang kumpiyansa at pagiging bukas ng bansa at ngayon nga ay handang handa nang tumanggap ng mga turista. Nais ng kalihim na maging isang pangunahing “tourism hub” ang bansa sa ASEAN at sa buong mundo.

Sa kanyang bahagi, sinabi PBBM na napakalaki ang potensyal ng turismo na makapagdala ng maraming trabaho dahil na rin sa mga magagaling o binigyang kasanayan na mga kabataan sa populasyon ng bansa na maaaring makapagsilbi at siya ring mga magigiliw sa mga panauhin.

"We need fresh and new ideas to bring back the imagination and confidence of our people from here and abroad, so they will be encouraged to explore the best destinations that the country can offer (Kailangan natin ng mga bagong ideya upang maibalik ang kumpiyansa ng ating mga mamamayan mula rito at sa ibang bansa upang sila ay mahikayat na tuklasin ang pinaka magagandang destinasyon na maiaalok ng bansa),” dagdag pa ng Pangulo.

Unity Toast for PHL Tourism with President Ferdinand R. Marcos Jr. and Vice President Sara Z. Duterte. (screengrabbed from RTVM)

Pinangunahan ni PBBM ang “unity toast” para sa pagpasok ng bansa sa isang makabagong era ng turismo na may tunay na pagkakakilanlan sa kultura, may pagkakaisa, at may panibagong pandaigdigang interes.

Dumalo rin sa nasabing aktibidad si First Lady Atty. Liza Araneta-Marcos, sina Bise Presidente Sara Duterte, Ilocos Norte 1st District Sandro Marcos, DOT Undersecretary Shahlimar Hofer Tamano at iba pang mga panauhin mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan at pribadong sektor. (PIA-NCR)

About the Author

Alice Sicat

Information Officer IV

National Capital Region

Feedback / Comment

Get in touch