PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA)-- Sinira kamakailan ng Department of Trade and Industry-Palawan ang mga produktong nakumpiska ng kanilang Consumer and Protection Division na walang PS mark o ICC sticker sa Puerto Princesa Sanitary Landfill, Barangay Sta. Lourdes, Puerto Princesa City. Kabilang dito ang mga LED bulb, monoblock, tie-wires, motorcycle interiors at iba na nagkakahalaga ng P280,000.
Ayon kay DTI Palawan Provincial Director Hazel Salvador, ang mga ito ay kanilang nakumpiska sa buong lalawigan ng Palawan ngayong taong 2022. Mas kokonti aniya ito sa kanilang mga nakumpiska kumpara noong nakalipas na taon. Ipinaliwanag niya rin na ang mga produktong walang standard mark ay hindi na maaaring gamitin pa kaya hindi ito maaaring i-donate dahil maaaring manganib ang buhay ng tao.
“Bakit nga ba hindi ido-donate itong mga produkto eh, sayang naman daw, kaya nga natin ginagawa na i-check kung sila ay sumusunod sa mga fair trade law at sa ating mga standard dahil buhay ng tao ang nakataya” giit pa niya.
Kaugnay nito ay hinikayat niya ang publiko na huwag tangkilikin ang mga substandard na produkto at siguraduhing mayroon PS at ICC mark ang mga bibilhing produkto. Maliban naman sa pagkumpiska ay mayroong rin aniyang ipinataw na multa sa establisimyento ang DTI batay sa kanilang Department Administrative Order (DAO) No. 02, series 2017.
Sa ngayon ay nasa 3,046 na establisimyento na ang naikot ng DTI Palawan at ngayong Nobyembre ay muli aniya silang magsasagawa ng inspeksyon. (MCE/PIA MIMAROPA)
Larawan sa itaas: Ang pagsira ng Department of Trade and Industry-Palawan sa mga produktong walang PS mark o ICC sticker noong October 28,2022 sa Puerto Princesa Landfill, Barangay Sta. Lourdes, Puerto Princesa City. (Larawan ni Mike Escote, PIA Palawan)