Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Super Health Center, nakatakdang itayo sa Calatagan

LUNGSOD NG BATANGAS(PIA)- Isinagawa ang groundbreaking para sa nakatakdang pagtatayo ng Super Health Center sa bayan Calatagan noong ika-7 ng Nobyembre.

Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng humigit kumulang sa P6.5M at lalagyan ng mga kagamitang may kabuoang halaga na P5M.

Pinangunahan nina Senate Committee on Health Christopher Lawrence “Bong” Go kasama sina 1st District Rep. Eric Buhain, Calatagan Mayor Peter Oliver Palacio, Department of Health -Calabarzon Regional Director Dr. Ariel Valencia, Provincial Health Officer Dra. Rozvilinda ozaeta, Executive Assistant to the Governor Dr. Marcelito Malabanan kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Calatagan at barangay officials ng Brgy. Gulod kung saan nakatakdang itayo ang naturang health center.

Ayon kay Dr. Valencia may kabuuang 41 Super Health Centers ang nakatakdang itayo sa rehiyon ng Calabarzon kabilang ang siyam sa Cavite; pito sa Laguna; walo sa Batangas; pito sa Rizal at 10 sa Quezon.

Aniya, layon ng pamahalaan na mailapit sa taumbayan ang abot kayang serbisyong medikal sa pamamgitan ng mga ganitong proyekto kung saan hindi na kailangang makipagsiksikan sa mga ospital para sa iba’t-ibang serbisyo.

Sa mensahe ni Senador Go, sinabi nito na napakahalaga ng pagbibigay halaga sa kalusugan lalo na sa panahong ito na nakaranas tayo ng pandemic dulot ng COVID 19 kaya’t patuloy nilang isinusulong ang pagtatayo ng mga Malasakit Centers at ngayon ay ang mga Super Health Centers na Malaki ang maitutulong sa mga kababayang Pilipino na walang kakayahang magpunta sa mga pribadong ospital upang magpagamot.

Ang itatayong Calatagan Super Health Center ay isang one-storey Primary Care Facility na may outpatient department, birthing station, isolation area, diagnostic laboratory,x-ray at ECG, pharmacy at ambulatory surgical unit. Magkakaroon din ng ibang serbisyo tulad ng EENT (eye, ear, nose, throat), oncology center, physical therapy, rehabilitation at telemedicine.

Magiging counterpart ng lokal na pamahalaan ang pagkakaloob ng 300 sqm na lupaing siyang pagtatayuan ng Super Health Center na matatagpuan sa Brgy Gulod.

Sa walong Super Health Centers na itatayo sa lalawigan ng Batangas, dalawa na ang sisimulan at inaasahang matatapos ang konstruksyon sa April 1, 2023. (MDC/PIA-Batangas)

About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch