Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Panukalang P15 na pasahe sa tricycle, tinalakay sa pampublikong pagdinig sa Sangguniang Panlungsod

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlungsod ang panukalang P15.00 na minimum na pasahe sa mga tricycle sa lungsod na ito matapos ang isinagawang pampublikong pagdinig na dinaluhan ni Vice Mayor Bim Ignacio, mga konsehal ng lungsod kasama si City Public Safety Department (CPSD) Chief, Nelson Aboboto, mga opisyales ng Tricycle Operators Drivers Association (TODA) at ilang kinatawan mula sa pribadong sector, transportasyon, mga may kapansanan, senior citizens, barangay at lokal na pamahalaan.

Ang nasabing panukala ay hango sa resolusyon ng Tricycle Franchising and Regulatory Board (TFRB) at ito ay i-isponsoran ni Kon. Atty. Jelina Maree Magsuci, namumuno ng komite ng trasportasyon at may pamagat na, ‘The New Tricycle Fare Ordinance of the City of Calapan of 2022’.

Base sa naunang City Ordinance No. 40, na may pamagat na ‘An Ordinance Fixing the Rate of Tricycle Fares in the City of Calapan and Providing Penalties for Violations Thereof,’ ang umiiral na minimum na pasahe ay P10 na ipinatupad noong 2019 na kung saan mura pa ang mga pangunahing bilihin tulad ng gasolina at mga piyesa ng motorsiklo ng mga panahaon na iyon. Matapos ang tatlong taon ay taas-baba na ang presyo ng ilang mga produkto dahil na rin sa nagdaang pandemya noong 2020.

Malaking kawalan din sa mga tricycle driver ang pag kansela ng mga klase sa mga paaralan ng dalawang taon dahil sa pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan na kung saan 80 porsiyento ng pasahero ay pawang mga estudyante. Dahil dito, humiling ang samahan ng TODA ng dagdag singil sa pasahe at wala anya silang makuhang pasahero noong mga panahon na iyon at nilimitahan din ang bilang ng kanilang mga sakay upang hindi magkahawaan ng nakamamatay na sakit.

Ayon pa kay Magsuci, sakaling pumasa at maaprubahan ang ordinansa sa konseho ay magkakaroon na ng pirming halaga ng pamasahe sa tricycle na P15.00 sa unang dalawang kilometro ng biyahe at karagdagang piso para sa mga susunod na isang kilometro.

Ipinapaalam ni City Public Safety Department Chief Nelson ‘Choy’ Aboboto (kaliwang larawan) na handa siya at kanyang mga tauhan na tumugon sa mga reklamo ng mga mananakay ng tricycle sa lungsod sa mga reklamo na kailangan iparating sa kanilang tanggapan, habang tinatalakay ng konseho (kanang larawan) ang panukala sakaling pumasa at maaprubahan ang ordinansa hinggil sa usaping pagtaas ng pasahe sa mga tricycle. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

Kaakibat ng nasabing ordinansa ang pagbabawal ng pagsingil ng labis sa itinakdang minimum na pasahe, gayundin ang pangongontrata, pagsasabi ng karagdagang bayad habang nagbi-biyahe at pagbaba ng pasahero, at pag-tanggi sa mga pasahero lalo na’t ito’y mga senior citizens, may kapansanan at estudyante dahil sa diskuwentong 20 porsiyento ipinagkakaloob sa mga ito.

Samantala, sakaling makaranas ng ganitong mga pangyayari ay agad na isuplong sa mga traffic enforcers upang ito ay maaksiyunan o direktang magtungo sa tanggapan ng CPSD kasama ang mga impormasyon tulad ng pangalan o pagkakakilanlan ng tsuper ng tricycle, numero ng prankisa at kung anong oras at lugar nangyari ang isidente.

Ang mga lalabag sa ordinansang ito ay papatawan ng multa sa unang opensa ng P500.00, ikalawang paglabag ay P1,000.00 at P1,500.00. At kung mahigit pa sa tatlong beses ang pagsuway sa batas ay kakanselahin na ng TFRB ang prankisa nito at hindi na maari pang mamasada sa lungsod.

Ang naturang ordinansa ay magiging epektibo 15 araw matapos mailathala sa mga lokal na pahayagan at kailangan din ipaskil sa tatlong istratihikong lugar sa lungsod na siyang nakasaad sa Artikulo 114 ng ‘Implementing Rules and Regulations of Republic Act No. 7160’ o mas kilala bilang Local Government Code of 1991.

“Hintayin na lamang natin ang resulta ng mga susunod pa na pagdinig (kung kinakailangan) at aksiyon ng Sangguniang Panlungsod ukol sa panukalang ito’” pagtatapos na mensahe ni Magsuci. (DN/PIA-OrMin)



Larawan sa itaas: Pinamumunuan ni City Councilor Atty. Jelina Maree Magsuci (may hawak ng mikropono) ang komite ng transportasyon sa Sangguniang Panlungsod sa isinagawang pampublikong pagdinig sa panukalang P15 na minimum na pamasahe ng tricycle sa lungsod. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch