Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Gawang-lokal na Noche Buena items mas pasok sa budget, ayon sa DTI

LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Bunsod ng pagtaas ng ilang Noche Buena products nito lamang Nobyembre, pinayuhan ng Department of Trade and Industry (DTI) ng Pangasinan ang mga mamimili na tangkilikin ang mga Noche Buena products na gawang-lokal na mas pasok sa budget.

Ayon kay DTI Pangasinan Provincial Director Natalia Dalaten, sa pagpaplano ng ihahanda para sa Pasko at Bagong Taon, mahalaga aniya na piliin ng mga mamimili ang mga produktong kalidad pero mas mababa ang presyo.

Nito lamang kasing Nobyembre 23, naglabas ang DTI ng bagong Suggested Retail Price (SRP) na nagtakda ng halos anim hanggang 10 porsyento at higit pa na pagtaas ng ilang mga Noche Buena products sa Pilipinas.

Ayon kay Dalaten ang pagtaas ng mga produktong madalas inihahain sa hapag tuwing kapaskuhan ay bunsod ng patuloy na pagtaas din umano ng production inputs gaya asukal, tin cans, packaging materials at maging ang pagtaas ng transportation cost na dulot na din ng pagtaas ng presyo ng gasolina.

Aniya higit na mas mababa umano ang presyo ng mga Noche Buena products kung ito ay locally produced sa lalawigan tulad na lamang ng hamon na pangunahing panghanda sa Pasko.

Dagdag pa ni Dalaten maaari ring gawing alternatibo ng mga mamimili ang locally-produced na peanut butter at pinakbet pasta ng mga micro, small and medium enterprises (MSME) sa Pangasinan na higit na mas mura kaysa sa mga branded na sandwich spread at pasta sauce products na mabibili sa mga grocery stores.

“Ang mga produktong ito ay pwedeng mabili sa mga DTI Fair Exhibits sa mga SM Malls sa lalawigan. Maaari din magsadya ang ating mga mamimili sa mga Negosyo Centers ng DTI upang malaman ang kumpletong listahan ng mga maaaring alternatibong ihain na locally-produced Noche Buena items at kung saan ito mabibili,” Dalaten said.

Aniya sa pagtangkilik sa mga gawang-lokal na produkto maaari din umano itong magkaroon ng economic impact tulad ng pagkakaroon ng dagdag na trabaho sa lalawigan.

Ani Dalaten maliban sa pagtangkilik sa gawang-lokal, pinapayuhan din ang mga mamimili na bumili at maghanda lamang ng sapat sa pamilya at kanilang bisita upang maiwasan ang pagkasayang ng pagkain at mas makatipid.

Payo din ni Dalaten na kung mas nakakaluwag ay unti-unti nang bilihin ang mga sangkap ng panghanda sa Noche Buena upang mas makamura at maiwasan ang dagsa ng tao.

Samantala, nagpaalala din si Dalaten sa publiko na maging mapagmatyag at mapanuri tuwing mamimili.

Binalaan din ni Dalaten ang mga retailers na huwag magsamantala sa pagtataas ng presyo ng mga Noche Buena products ngayong holiday season. (JCR/JNPD/EMSA/PIA Pangasinan)

About the Author

Elsha Marie Arguel

Writer

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch