Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Kaso ng Malaria sa Palawan, bumaba

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Sa naganap na DOH-CHD Mimaropa Virtual Press Conference noong November 26, 2022, sinabi ni Winston C. Malla, Malaria Surveillance Officer ng Department of Health-Mimaropa na bumaba ang kaso ng sakit na Malaria sa Lalawigan ng Palawan ngayong taon. Ito ay matapos na makapagtala ng 2,451 na kaso ng Malaria sa probinsya hanggang noong October 31, 2022 kumpara sa taong 2021 na may naitalang kasong 4,148 o mas mababa ng 29.56 porsyento.

Aniya, masasabi niyang epektibo ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan dahil patuloy na bumababa ang kaso ng Malaria at marami silang katuwang dito lalo na ang mga tauhan ng Provincial Health Office (PHO) Palawan na sinusuyod ang mga malalayong komunidad na may dalang malaria kit at gamot, gayundin ang mga sprayman na nag-i-spray ng insecticide sa mga Indigenous Peoples Community sa mga kabundukan. Mainam rin aniya ang paggamit ng kulambo kapag matutulog na sa gabi lalo na’t ang mga Anopheles-- ang lamok na may dalang sakit na Malarya ay kumakagat sa gabi.

“Napakaswerte natin kasi ang DOH ay mayroong napakadaming health partners na tumutulong sa atin at sa kasalukuyang mga hakbang na ginagawa natin sa palagay ko napapababa natin yung ating mga cases” saad ni Malla.

Umaasa rin siya na sa taong 2025 ay wala nang maitalang kaso ng Malaria sa Palawan o di kaya ay mailapit sa zero cases.  Ipinaliwanag niya rin na sa Pilipinas ay may tinatawag na sub-national elimination status kung saan kapag naitala na ang zero cases sa isang lugar ay kailangang ma-maintain ito sa loob ng limang tao para maideklarang Malaria-free.

Kabilang naman sa top municipalities na mayroong mataas na kaso ng sakit na Malaria ay ang bayan ng Rizal, Bataraza, Brooke’s Point, Quezon, at Sofronio Española. Mayroon ring mga naitatalang kaso ng Malaria sa Puerto Princesa City, Balabac at sa buong Southern Palawan.

Samantala, kinumpirma rin ni Malla na ang Occidental Mindoro ay zero malaria case na simula noong 2020, ang Lalawigan ng Marinduque ay Malaria-free na simula noong 2008, ang Romblon ay Malaria-free na simula 2012 at ang Oriental Mindoro ay naideklarang Malaria-free noong September 15, 2022. Target ng DOH na maging Malaria-Free Philippines sa taong 2030 kung saan 90 porsyento ng kaso ng Malaria ay mula sa Mimaropa Region. (MCE/PIA MIMAROPA)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch