Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

NCIP, bumisita sa mga katutubo; usapin sa lupaing ninuno, tinalakay

Inilalahad ni Roxas Lorenzo, lider-katutubo ng Tribong Alangan ng Brgy Pinagturilan, Sta Cruz, ang kanilang hinaing sa pagkamkam sa kanilang Lupaing Ninuno. (PIA OccMdo)

MAMBURAO, Occidental Mindoro (PIA) -- Personal na nakipag-ugnayan kamakailan ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa mga katutubong Mangyan ng tribong Alangan, sa Brgy Pinagturilan, Sta Cruz.

Sa idinaos na pulong ay ibinahagi ng mga katutubo ang mabigat nilang problema sa anila'y pagkamkam ng mga Tagalog sa kanilang lupaing ninuno. Tagalog ang kanilang pantukoy sa mga di-katutubo.

Ayon kay NCIP Provincial Officer Julito Garcia, kinikilala ng pamahalaan ang mga Alangan bilang legal na may-ari ng lupa na ngayon ay kinatatayuan ng kabahayan ng mga Tagalog, gayundin ang ilang lugar na pinagtamnan ng mais. “May titulo na ang lupaing ninuno na pag-aari ng tribong Alangan, at sila ang may karapatan na pagyamanin at pakinabangan ito,” saad ni Garcia.

Ayon naman kay Roxas Lorenzo, isa sa mga lider ng tribong Alangan, bagama't pagmamay-ari nila ang nasabing lupaing ninuno, wala silang lakas na paalisin ang mga nanghimasok dito. Nangangamba rin aniya sila na mauwi sa karahasan ang sigalot, at sila ay saktan ng kabilang panig.

Sa panig ng NCIP, inilahad ni Garcia na bilang agarang aksyon ng NCIP sa problema ng mga katutubo, ay nakipag-ugnayan na siya sa mga kinauukulan. Naniniwala aniya ang ahensya na maibabalik sa mga katutubo ang lupang kinamkam ng mga Tagalog.

Sinabi rin ni Garcia na malaki ang maitutulong ng whole-of-nation approach ng pamahalaan, kung saan iba’t ibang ahensya at tanggapan ang magtutulungan upang bigyang katarungan ang hinaing ng mga katutubo ng bayan ng Sta Cruz.    

Sa konklusyon ng ugnayan ng dalawang panig ay sinabi naman ni Director Dahlialyn Dait-Cawed, isa sa mga direktor ng NCIP Central Office, na handa silang tumulong upang malutas ang usaping idinulog ng mga Alangan. “Umaasa ako na sa aking pagbabalik sa inyong lalawigan ay naresolba na ang problema ninyo sa inyong lupaing ninuno,” saad pa ng Direktor. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch