Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Kalusugang mental, kapakanan ng mga mag-aaral, tampok sa 4th National Summit on Child’s Rights in Education

LUNGSOD QUEZON, (PIA)-- Bilang bahagi ng pagdiriwang ng 2022 National Children’s Month, binigyang-diin ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang pagsisikap para sa kalusugang mental at kapakanan ng mga mag-aaral sa ginanap na 4th National Summit on the Rights of the Child in Education noong Nobyembre 26 sa Bulwagan ng Karunungan, DepEd Complex.

"Tiyakin natin na may mga programang naglulutas sa mga problema at hinaing ng mga mag-aaral ukol sa kanilang kalusugang pangkaisipan. Nais ng inyong Department of Education na tugunan ang mga isyung ito upang makasigurong handa ang mga paaralan at ang ating mag-aaral na ipagpatuloy ang maayos na pag-aaral," ayon kay Pangalawang Kalihim para sa Legal Affairs Jose Arturo De Castro.

May temang “Pagtataguyod sa Karapatan, Kalidad na Edukasyon, at Kalinga para sa Kabataang Pilipino,” pinangunahan ng iba’t ibang miyembro ng Executive at Management Committee, at external partners ang naturang taunang programa ng DepEd.

Para sa Karapatan Plenary Presentation, pinagtuonan ng pansin ni Kawaksing Kalihim para sa Legal Affairs Amanda Marie Nograles, J.D. ang mga kasalukuyang pandaigdigan at pambansang batas na nagsisiguro at nagsusulong ng karapatan at kaligtasan ng mga mag-aaral sa pagkamit ng dekalidad na edukasyon.

Pinag-usapan sa nasabing sesyon ang UN Convention on the Rights of the Child, Republic Act No. 11036 o ang Mental Health Act, at Republic Act No. 11510 o kilala bilang Alternative Learning System Act.

Samantala, binanggit naman nina Kawaksing Kalihim para sa Curriculum and Instruction Alma Ruby Torio at Direktor IV para sa Planning Service Roger Masapol ang pagpapatupad ng Basic Education Development Plan (BEDP) 2030 at ng Learning Recovery and Continuity Plan (LRCP) sa Kalidad Plenary Presentation.

Bukod pa rito, binigyan-pansin ng ikalawang plenary presentation ang DepEd Order No. 31, series of 2022, o kilala bilang Child Rights Policy: Adopting the Rights-based Education Framework in Philippine Basic Education, na mahalaga sa pagsisiguro sa kalidad at pagkamit sa basic education ng Pilipinas pagkatapos ng pandemya.

Pinag-usapan naman sa ikatlong Plenary Presentation sa Kalinga ang epekto ng COVID-19 pandemic at mga lockdown sa mental at psychosocial well-being ng mga mag-aaral na pinangunahan ng Save the Children Foundation at School Health Division's Chief Health Program Officer Dr. Ma. Corazon Dumlao.

Sa nasabing sesyon, pinagtuonan ng pansin ng mga resource speaker ang mga probisyon ng World Health Organization's Mental Health Action Plan 2013-2030 na mahalaga sa paglutas sa isyu ng mental health na kinakaharap ng mga mag-aaral at guro sa pandemya.

Kasunod ng mga plenary session, ibinahagi naman nina by Pangalawang Kalihim De Castro, Kawaksing Kalihim para sa Legal Affairs Amanda Marie F. Nograles, Direktor IV para sa Public Affairs Service Atty. Michael Wesley T. Poa, at DepEd NCR Regional Director Wilfredo E. Cabral ang kanilang opisyal na pahayag, mensahe ng suporta at pangako.

Bilang suporta sa 4th National Summit on the Rights of the Child in Education, pinagtibay muli ni Save the Children Philippines Chief Executive Officer and Former DepEd Undersecretary for Legal Affairs, Atty. Alberto T. Muyot ang pangako ng Save the Children Philippines.

“Save the Children Philippines affirms its commitment in pursuing DepEd’s rights-based education framework in our education programs and advocacies, so all Filipino children can attain and enjoy their rights to access inclusive and quality education, and their right to respect and well-being in the learning environment,” ani Save the Children Philippines CEO Muyot.

Bago ang culminating program, isinagawa ng Kagawaran ang Pre-Summit Conference, kung saan ibinida ang pakikilahok at pananaw ng mga kabataan sa karapatan ng mga mag-aaral sa edukasyon. (deped/pia-ncr)

About the Author

Jumalynne Doctolero

Information Officer

National Capital Region

Feedback / Comment

Get in touch