PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Hinahanda na ng Palawan Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) ang resolusyon na magdi-deklara sa lalawigan ng Palawan bilang ‘insurgency free province.’
Sa ulat ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa pinagsamang pagpupulong ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), PTF-ELCAC at PADAC kamakailan, sinabi ng NICA na ang banta ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Palawan ay napakalaki ang ibinaba mula ng ipatupad ang EO 70 noong Disyembre 2018 hanggang nitong ikatlong kuwarter ng 2022.
Ayon pa sa ulat ng NICA, tanging si Sonny Rogelio alyas Ka Miggy na lamang ang natitirang miyembro ng makakaliwang grupo na patuloy na tinutugis ng pamahalaan at wala na rin umano itong kakayahang maghasik pa ng karahasan dahil karamihan sa mga taga-suporta nito ay nagbalik-loob na sa pamahalaan.
Dahil dito, inirekomenda ng NICA sa PTF-ELCAC ang pagpasa ng isang resolusyon na nagdi-deklara sa lalawigan ng Palawan bilang ‘insurgency free province’ na sinang-ayunan naman ng buong miyembro ng task force.
Agad ding iniutos ni Atty. Jethro Palayon, Provincial Administrator ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at presiding officer ng nasabing pagpupulong sa secretariat ng PTF-ELCAC na ihanda na ang resolusyon ng sa gayon ay malagdaan ito ng task force officials.
Plano naman ng PTF-ELCAC Strategic Communication Cluster na maghanda ng isang seremonya para sa pormal na pagdi-deklara ng Palawan bilang ‘insurgency free province.’
Ang tagumpay na ito ng Palawan PTF-ELCAC ay dahil sa ‘whole of nation approach’ at sa suporta ng lahat ng miyembrong ahensya nito.
Bunga rin ito ng patuloy na focused military operations at tulong ng mga mamamayan na ayaw ng karahasan.
Sa ulat naman ng Western Command (WESCOM), umabot na ng 118 firearms ng New People’s Army (NPA) ang na-rekober at nasa 214 dating mga rebelde naman ang nagbalik-loob na sa pamahalaan at naging benepisyaryo ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng Pamahalaang National at ng Local Social Integration Program (LSIP) na programa naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan. (OCJ/PIA-MIMAROPA)