PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Inaprubahan na ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa naganap na special session noong Disyembre 13 ang Supplemental Investment Program No. 6 ng Puerto Princesa City para sa Fiscal Year 2022 na nagkakahalaga ng higit P103 milyon.
Ayon kay City Councilor Modesto Rodriguez III, kabilang sa mga paglalaanan ng pondo ay ang Performance-Based Bonus ng mga empleyado ng Pamahalaang Panlungsod, community-based monitoring system incentives, capital outlay para sa enhanced satellite clinics at birthing facility, operasyon ng Puerto Princesa City New Cemetery sa Brgy. Sta Lourdes, pagbili ng relocation site para sa coastal informal settlers.
Kasama rin dito ang site development ng City Slaughterhouse tulad ng paggawa ng parking area, drainage outfall, auxiliaries at STP perimeter fence, pagkumpleto sa GSO building na may kasamang RC retaining wall, pagbibili ng mga karagdagang basurahan at ang panukalang platform with partition and extension ng bodega sa City Treasurer's Office. Kukunin aniya ang pondo mula sa savings ng bawat opisina at sa mga proyektong hindi na maitutuloy.
“Mayroon tayong mga savings sa iba't ibang accounts, unang-una malaking savings mula sa pinondo noong nakaraang Sangguniang Panlungsod para sa Covid-19 at yung iba naman ay nanggaling sa iba't ibang opisina,” saad pa niya.
Ipapadala aniya agad sa Department of Budget and Management (DBM) ang inaprubahang Supplemental Annual Investment Program ordinance para matasa at pagkatapos ay agad din daw ibabalik sa Pamahalaang Panlungsod. (MCE/PIA MIMAROPA)