LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) — Handa na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) IV-A, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang mga ahensya ng pamahalaan, sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ito ang tiniyak ni Gilberto Tumamac, Assistant Division Chief ng Local Government Monitoring and Evaluation Division (LGMED) DILG IV-A sa kanyang panayam sa programang Sulong CALABARZON.
Ayon kay Tumamac, mahigpit nilang ipapatupad ang mga batas at mandato ng kanilang kagawaran para sa isang ligtas na selebrasyon ng Bagong Taon.
Kabilang sa mga ito ang Republic Act 7183 na nagtatakda sa tamang pagbebenta, paggawa, at paggamit ng pyrotechnic devices, at Executive Order No. 28, s. 2017 na nagbibigay-mandato sa DILG, Department of Health (DOH), Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at mga lokal na pamahalaan upang paigtingin ang information campaign ukol sa panganib na dulot ng pagpapaputok.
“As far as preparedness is concern, we being part of the local government sector ay syempre sinisigurado natin na ang ating mga LGUs ay guided ng mga nasabing batas to include na dapat sila ay may mga existing na ordinansa patungkol doon sa mga nabanggit na batas,” ani Tumamac.
Ayon sa DILG 4A, sa 142 lungsod and munisipalidad sa rehiyon, 110 na ang may mga lokal na ordinansa na naglilimita ng pagbebenta at paggamit ng paputok ngunit tuloy-tuloy ang ginagawang mga hakbang ng kagawaran upang mas marami pang lokal na pamahalaan ang magpasa ng batas kontra pagpapaputok.
Ilan naman sa mga binabantayang insidente ng DILG ngayong Bagong Taon ay ang mga naputukan ng paputok, mga tinamaan ng ligaw na bala, at sunog sa ilang mga ari-arian.
Bagama't bumababa na kada taon ang napuputukan ng paputok, ayon kay Tumamac ay mahigpit pa rin nilang mino-monitor ang pagbebenta at paggawa ng mga ipinagbabawal na mga paputok.
“Dahil sa striktong implementasyon ng ating mga batas at pagsunod na rin ng ating mga kababayan ay bumaba na itong mga kaso ng mga napuputukan.”
Ilan sa mga pinagbabawal na paputok ay piccolo, super lolo, whistlebomb, Goodbye Earth, sinturon ni Hudas, boga, watusi, at iba pang mga paputok na naglalaman ng higit 2 gramo ng pulbura.
Nagpaalala naman ang DILG 4A sa mga may-ari ng baril na maging responsable at ma-ingat sa paggamit at pagtatago nito.
“Kapag may baril, dapat rehistrado at dapat may specific permits na hawak. Kapag pinaputok ang baril na hindi rehistrado, mayroon pong kaukulang penalty ito. Posibleng makulong din ang may-ari o ang gumamit ng baril.
Sa usapin ng krimen, binigyang diin ni Tumamac na bagama’t responsibilidad ng mga PNP, barangay, at iba pang force multipliers ang magpatupad ng kaayusan, ay may responsibilidad din ang publiko na iligtas ang kanilang ari-arian.
“Nananawagan din tayo sa ating mga kababayan na huwag lang i-asa ang pagiging ligtas at secure ng kanilang bahay sa mga namumuno. General ang kanilang approach. In our own capacity as individuals and citizens ay maging mapagmatyag din tayo,” paalala ni Tumamac.
Payo ng DILG 4A na gumamit na lamang ng iba pang mga uri ng pampa-ingay kagaya ng torotot, kaldero, busina ng sasakyan, mga malalakas na speaker, mga videoke, mga drums, mga drum ng tubig, at iba pa upang masigurong ligtas at masaya ang pagpasok ng Bagong Taon. (CH/PIA-Laguna)