Tagalog translation:
BAGUIO CITY (PIA) -- Posibleng bumaba pa ang temperatura sa lokalidad dahil sa umiiral na Northeast monsoon o Amihan, ayon sa PAGASA.
Sinabi ni PAGASA Senior Weather Specialist Chris Perez sa Laging Handa Public Briefing nitong Huwebes (Enero 12, 2023) na mararanasan hanggang Pebrero ang maginaw na panahon lalo na sa Hilagang Luzon.
"Possibly, makapagtala pa tayo ng mas mababa bago magtapos ang Amihan, sometime either the first or the second half of February po," ani Perez.
Ang pinakamababang temperatura na naitala ng PAGASA ay 11.7 degrees Celsius noong Enero 9, 2023 sa La Trinidad, Benguet bagama't inaasahang mas mababa pa ang temperatura sa bayan ng Atok sa nasabi ring lalawigan.
Inilahad naman nito na ang La Niña ang nakaaapekto ngayon sa bansa na posibleng magtapos sa Pebrero.
"Sa ngayon, ang nakaaapekto sa atin ay 'yung tinatawag nating La Niña kung kaya't 'yung ilang bahagi ng ating bansa ay nakararanas talaga ng near to above normal rainfall during the previous and the current month," aniya.
Dagdag nito, pagkatapos ng Pebrero ay inaasahang mararanasan ang normal climate condition. Sa ngayon ay wala pa umano silang nakikita na senyales na mararanasan ang El Niño ngayong taon.
Batay sa pagtaya ng weather bureau, wala o posibleng may isang bagyo na papasok o mabubuo sa Philippine Area of Responsibility ngayong Enero. Sinabi ni Perez na mababa rin ang tiyansa na maging bagyo ang Low Pressure Area (LPA) na binabantayan nila ngayon sa loob ng bansa.
Ang nasabing LPA at ang shearline ang nakaaapekto ngayon sa silangang bahagi ng Mindanao. (DEG-PIA CAR)