Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Unang vaccine cold room sa Pangasinan, pinasinayaan

LUNGSOD NG SAN CARLOS, Pangasinan (PIA) – Katuwang ang United Nations International Children's Emergency Fund o UNICEF, pinasinayaan ng Department of Health-Ilocos Center for Health Development (DOH-CHD-1) at Pangasinan Provincial Government ang kauna-unahang vaccine cold room sa Pangasinan Provincial Hospital (PPH) sa lungsod na ito nitong Miyerkules.


Ayon kay Engr. Bernardo Bersola, cold chain specialist ng UNICEF, ang walk-in vaccine cold room na may sukat na 30 cubic meters ay ipinagkaloob ng UNICEF sa pamamagitan ng COVID-19 Vaccines Global Access o COVAX bilang suporta sa pangangailangan ng mga bakuna laban sa COVID-19 na iniimbak sa mas mababang temperatura.


 “Ang net capacity po ng cold room ay about 7,000 liters of vaccines. If you convert that into doses, its 14 million doses of vaccines,” ani Bersola.


Ani Bersola, napili ang Pangasinan na mabigyan ng vaccine cold room dahil pangatlo ito sa mga lalawigan na may pinakamalaking populasyon sa Pilipinas.


“Ang Pangasinan ay pangatlong pinakamalaking lalawigan nationwide in terms of population ngunit wala pa po tayong cold room na existing dito sa lalawigan. Kaya ‘yon ang pinaka-primary criteria na kailangang bigyan ng cold room ang Pangasinan, especially also na nag-increase ‘yong storage requirement dahil sa COVID-19,” dagdag pa ni Bersola.


Ayon kay Pangasinan Health Team Leader Dr. Veronica Guadiz de Guzman nangangailangan ang mga bakuna ng mahigpit na pamamahala ng cold chain upang matiyak ang potency ng bakuna mula sa storage facility hanggang sa mga lugar ng pagbabakuna.


Ani De Guzman, ang pagkakaroon ng cold room sa Pangasinan ay mas magpapalakas sa kapasidad ng pagbabakuna sa lalawigan lalo na sa paghahatid ng bakuna sa mga vaccination sites at sa mga healthcare facilities.


Ayon pa kay De Guzman,ang pasilidad ay hindi lamang magagamit para sa COVID-19 vaccines kundi maging ang mga bakuna para sa measles, rubella, polio, hepatitis, tetanus at iba pang uri ng bakuna. 


“Ang installation ng cold room sa Pangasinan ay napapanahon din para sa pagsasagawa ng measles-rubella-oral polio vaccine supplemental immunization activity na gaganapin sa Mayo,” ani De Guzman.


Samantala, nagpaabot ng pasasalamat ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pamamagitan ni Vice Governor Mark Lambino sa donasyon na vaccine cold room ng UNICEF para sa lalawigan.


Ani Lambino, ang suportang ipinagkaloob ng UNICEF na pagpapatunay ng malalim na ugnayan ng gobyerno at international organizations ay maaaring magamit kahit tapos na ang pandemya dahil ito ay patuloy na magsisilbi at magpapalakas sa mga regular na programa ng pagbabakuna sa lalawigan.


Ang vaccine cold room ay pormal na tinanggap ng Pangasinan mula sa UNICEF sa pamamagitan ng deed of donation. (JCR/EMSA/PIA Pangasinan)

About the Author

Elsha Marie Arguel

Writer

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch